Dalawang pulis na nakatalaga sa Anti-Carnapping (AnCar) Unit ng Quezon City Police District (QCPD) ang kinasuhan dahil sa pangingikil umano sa isang lalaki, na nagpasaklolo sa kanila kaugnay ng sasakyan nitong nawawala simula pa noong nakaraang buwan, sinabi ng pulisya kahapon.
Inireklamo sina PO2 Mike Tanguilan, 31, ng Meycauayan, Bulacan; at SPO1 Jerico Gonzales, 38, kapwa nakatalaga sa QCPD-AnCar Unit.
Ayon kay Emil Joseph Cunanan, 31, tinangay ng isang nagpanggap na buyer ang kanyang sasakyan habang itine-test drive ito nitong Mayo.
Agad na humingi ng tulong si Cunanan sa pulisya laban sa suspek na nakilala lamang sa pangalang “Ricky”.
Inilipat ang kanyang kaso sa QCPD-AnCar Unit at hapon ng Mayo 4 ay nagtungo sa Land Transportation Office (LTO) si Cunanan, kasama sina Tanguilan at Gonzales para sa mga impormasyon tungkol sa kanyang sasakyan.
Sinabi ni Cunanan na rito na siya hiningan umano ng dalawang pulis ng 50,000, kapalit ng katiyakang agad na mareresolba ang kaso.
Gayunman, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang pagkakakilanlan ng suspek at hindi pa tukoy ang kinaroroonan ng kotse, kaya matapos ang isang buwang paghihintay ay naghain na si Cunanan ng kasong robbery-extortion laban kina Tanguilan at Gonzales, nitong Biyernes ng hapon. (Betheena Kae Unite)