Umaapela ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Kongreso na magpasa ng batas na tutugon sa problema sa naglipanang bagong uri ng droga.

Ginawa ni NBI-Anti Illegal Drugs Division Chief Joel Tuvera ang apela kasunod ng pagkakakumpirma sa dalawang uri ng bagong synthetic drug na ibinebenta ng mga sindikato.

Ayon kay Tuvera, ang synthetic drugs na MDMA methylene homolog o ecstasy na hinaluan ng isang uri ng laboratory chemical at synthetic cathinones o “bath salts” ay wala pa sa listahan ng Dangerous Drugs Board bilang ipinagbabawal na gamot.

Dahil dito, hindi kasama ang mga nasabing synthetic drug sa batayan ng NBI sa paghahain ng reklamo laban kay Joshua Habalo, ang suspek sa pagbebenta ng ilegal na droga sa isang rave party sa Pasay.

Events

The Corrs, magko-concert sa ‘Pinas sa Feb. 2025!

Paliwanag ni Tuvera, mainam na maipatupad din sa Pilipinas ang batas sa ibang bansa na nagpapataw ng parusa laban sa mga mahuhulihan ng droga na may kaparehong epekto ng mga gamot na kasama sa orihinal na listahan ng prohibited drugs. Sa pamamagitan nito, mahihirapan na ang mga sindikato na mapaikutan ang batas para makalusot sa krimen.

(Beth Camia)