Patay ang isang photo shop helper matapos siyang barilin sa mukha ng isang hindi nakikilalang suspek habang nakaupo siya sa isang motorsiklo at nagte-text, sa Tondo, Maynila, nitong Miyerkules ng gabi.

Inaalam na ni PO3 Alonzo Layugan, ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, kung love triangle ang motibo sa pagpaslang kay Darwin dela Peña, 27, ng Parola Compound, Tondo.

Sa ulat, pasado 9:00 ng gabi nang mangyari ang pamamaslang sa may Gate 16 sa Parola Compound, habang nakaupo si Dela Peña sa isang motorsiklo at abala sa pagte-text

Nilapitan ng suspek ang biktima at binaril sa mukha na agad nitong ikinamatay.

National

Oil price hike, asahan ngayong Abril 29

Ayon sa misis ni Dela Peña na si Racielyn, wala siyang alam na kaaway ng kanyang mister at good provider pa nga ito ngunit nagkaroon, aniya, ito ng nobya at nabuntis nito.

Sinabi ni Layugan na posibleng love triangle ang motibo sa pamamaslang dahil may asawa rin ang nakarelasyon ng biktima.

“May asawa din ‘ata, o kinakasama, ‘yung babaeng nakarelasyon nung biktima. Buntis at manganganak na ngayong buwan, kaya rito naka-focus ang imbestigasyon namin,” ani Layugan. (Mary Ann Santiago)