Stephen Curry, LeBron James

OAKLAND, California (AP) — Bago pa man makadepensa ang Warriors, kaagad na naibato ni Kevin Love ang bola sa rumaragasang si LeBron James sa fast break play para sa isang dumadagundong na “windmill dunk”. Sa pagbabalik opensa ng Golden State, nakalusot si Stephen Curry sa “trapping defense” ng Cavaliers at isang segundo bago ang buzzer nagawang maisalpak ang walang-aleng na three-point shot.

Isa itong kapana-panabik na senaryo ngunit inaasahan ang ganitong tagpo sa paghaharap ng Golden State at Cleveland – sa ikalawang sunod na season – sa Game One ng best-of-seven NBA Finals, Huwebes ng gabi (Biyernes sa Manila) sa Oracle Arena.

Pinakaaabangan ang muling paghaharap nina King James at Baby-faced Assassin.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Mas pinaigting ng Warriors ang pananabik ng mga tagahanga sa isa pang “dream match-up” sa Finals nang umabot sa Game 7 ang conference finals ng defending champion laban sa matikas na Oklahoma City Thunder.

Itinanggi man nina James at Curry, sila ang mukha ng NBA sa kasalukuyan at nagsisimula nang tahiin ng liga ang hidwaan sa kanilang dalawa.

“It’s really annoying for me. That’s not what I’m playing for, to be the face of the NBA to be this or that or to take LeBron’s throne or whatever,” pahayag ni Curry sa media interview matapos ang pagsasanay para sa Game One.

“You know, I’m trying to chase rings, and that’s what I’m all about. So that’s where the conversation stops for me,” aniya.

Naunsiyami ang proklamasyon ni James bilang “best player on the planet” nang gapiin ng Warriors ang Cleveland, 4-2, para sa kauna-unahang championship ring ni Curry.

Hindi matatawaran ang numero ni James na 35.8 puntos, 13.3 rebound at 8.8 assist sa kabuuan ng Finals, ngunit mag-isa lamang siyang nakihamok matapos magtamo ng injury sina Kyrie Irving at Kevin Love.

Ngayong nakabalik ang dalawa at nasa malusog na katauhan, mas malaki ang tsansa ni James na pagkalooban ang prangkisa na umasa ng lubusan sa kanyang talento ng kampeonato matapos ang 54 na taon.