NASA kamay na ni Pangulong Digong ang listahan ng mga taong inirekomenda ng National Democratic Front (NDF) na kanyang hihirangin para maging parte ng kanyang Gabinete. Sa sampung pangalan na nasa listahan, apat sa mga ito ay babae, ayon sa Pangulo. Nasa listahan din umano ay sina UP professor Judy Tagiwalo, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Sarate, at dating Solicitor General Silverio Bello III. Dahil umatras daw si Zarate, papalitan siya ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño. Katanggap-tanggap sa Pangulo ang mga taong nasa listahan na tinawag niyang “impressive”.

Mahirap tanggihan ang mga taong inirekomenda ng NDF. Subok na silang gumanap ng tungkulin. Sa iba’t ibang kapasidad nanungkulan sa gobyerno si Bello. Bukod sa Solicitor General, naging kalihim siya ng Department of Justice (DoJ) at party-list representative. Walang bahid at matino niyang ginampanan ang mga nasabing tungkulin dahil nauna rito ay nanilbihan na siya sa mamamayan bilang human rights lawyer.

Retiradong professor sa Women and Development Studies Department sa University of the Philippines si Tagiwalo.

Opisyal siya ng Alliance of Concerned Teachers at Asia-Pacific Forum on Women, Law and Development. Isang labor leader, nakulong siya ng tatlong taon sa panahon ng rehimeng Marcos. Walang hindi nakakakilala kina Zarate, Mariano, at Casino. Sa Kongreso at sa kalye, ipinaglaban nila ang kapakanan ng mga magsasaka, mag-aaral at mahirap. Ang mga bakanteng posisyon na lang sa Gabinete ni Pangulong Digong na nababagay sa tatlong ito ay Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of Agrarian Reform (DAR). Binawi ng Pangulo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nauna niyang inialok sa CPP-NPA-NDF. Pero, saan mang posisyon hirangin sila ng Pangulo, nakatitiyak siyang masusunod ang hangarin niyang higit na mapaglingkuran ang mga dukha. Noon pa man kasi ay trabaho na nila ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon kay Pangulong Digong, pupulungin niya ang kanyang buong Gabinete sa lalong madaling panahon. Gusto umano niya na ang kasapi ng kanyang Gabinete ay hindi magkakakontra. Mahirap asahan itong nais niyang mangyari. Kapag nagsiganap na sila ng kanilang tungkulin, malamang na magbubungguan sila. Gaganapin ng mga rekomendado ng NDF ang kanilang tungkulin para sa ikabubuti ng lahat ayon sa kapangyarihan ng kanilang posisyon. Ang ikabubuti ng lahat ay paglingkuran mo ang higit na nangangailangan. Gamitin ang kapangyarihan para ang layunin ng batas na ikalat ang biyaya ng bansa ay marating ang nasa laylayan ng lipunan. Mga malakas at makapangyarihan ang masasagasaan nito na hihingi ng proteksiyon sa ibang departamento ng gobyerno na may kaugnayan sa kanilang interes. Maninimbang ang Pangulo. (Ric Valmonte)