KUNG nasunod ang schedule, ngayong May 26 na ang alis nina Alden Richards at Maine Mendoza sa Como, Italy pagkatapos ng three weeks na dire-diretsong shooting ng Imagine You & Me na idinidirehe ni Mike Tuviera for APT Entertainment at GMA Films.
Tuluy-tuloy ang posting sa Instagram ng fans sa mga nangyayari sa Italy, pero hindi alam kung alin sa mga iyon ang kasama sa movie, na sekreto pa rin hanggang ngayon kung ano ang istorya at kung anu-ano ang characters na ginagampanan ng phenomenal love team at nina Jasmine Curtis Smith at Ms. Irma Adlawan na sumunod sa kanila roon.
Hindi rin naman ipinagkait ng Eat Bulaga na ipakita sa fans ang mga video na ipinadadala nina Alden at Maine para sa kalyeserye.
Kanya-kanyang hula ang fans kung ano ang istorya ng pelikula lalo na nang ipadala ni Alden kay Maine ang love lock na iniregalo niya rito. Nagpunta rin sila sa Verona, Italy na kinaroroonan ng Casa de Guiletta (Juliet’s house) na ginamit sa Romeo & Juliet ni William Shakespeare. Magiging bahagi raw kaya iyon ng story ng AlDub movie?
Nitong nakaraang Tuesday afternoon, nakita naman ng fans ang pagdating sa Como ni Celeste Tuviera, ang nag-aayos ng buhok ni Maine. Hinahanap din ng fans kung naroon sina Liz Uy at Juan Sarte, na kasama sa stylist team nina Maine at Alden. Pero sa katunayan, nasa Argentina si Liz dahil um-attend ito sa wedding nina Solenn Heussaff at Nico Bolsico.
Ang iniisip ng fans, may magandang ending ang movie na doon na rin sa Italy kukunan, kaya naroon ang stylist team.
Patuloy ang pagdating ng fans nina Alden at Maine sa location ng shooting. Sa isang picture na nakasakay sila sa yatch, kita ang fans na naghihintay sa kanila, ganoon din ang hotel na tinuluyan nila. Kaya parang laging fans day sa rami ng fans.
Sa kabila nito, lalong dumarami ang fans sa location, may mga Italian artist din na bumisita sa set like ang Italian pop singer na si Vincenzo Romano at ang model/actor na si Anthony Straccinii bukod pa sa mga Italian members ng cast ng movie.
Kung miss na miss ng fans dito sa ‘Pinas sina Maine at Alden, ngayon naman sa pag-alis nila sa Italy, ang fans naman nila roon ang tiyak na may separation anxiety. Wish na agad nilang makabalik sa Italy ang dalawa.
Sa pagbabalik sa Pilipinas ng AlDub tandem, sasalang pa sila six shooting days. Magsisimula na rin uli ang sunud-sunod na trabaho ni Alden, like sa May 28, guest siya with Martin del Rosario at Tom Rodriguez sa “4Elements Fashion Model Search 2016” sa Lipa Convention Center sa Batangas. Sa May 29 naman, at 5:00 PM, may meet and greet siya for Sterling products sa SM City Dasmarinas Event Center sa Cavite.
Tanong ng fans, mag-report na kaya agad sina Maine at Alden sa Eat Bulaga sa Sabado, para naman mabawasan ang matagal na paghihintay nila sa pagbabalik ng magka-love team? (NORA CALDERON)