MATAPOS iwagayway ni Margarita Fores ang bandila ng Pilipinas sa Asia’s 50 Best Restaurant Awards, na kumilala sa kanya bilang Asia’s Best Female Chef for 2016, itatanghal naman siya sa Culinary Journeys ng CNN simula sa Mayo 19.

Itatampok si Fores sa Season 2 ng CNN Culinary Journeys, isang serye na humahamon sa pinakamahuhusay na chef sa buong mundo para lumabas sa kanilang kusina at maranasan ang kultura sa pagluluto ng ibang bansa.

Itinampok sa huling episode ng Culinary Journeys ang French chef na si Hélène Darroze, at dinala siya sa Edinburgh, Scotland.

Ipapalabas naman ang episode ng award-winning Pinay sa Huwebes, Mayo 19, 4:30 ng hapon HKT.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Si Fores ang utak sa likod ng mga kilala at matagumpay na restaurant, gaya ng Cibo, Lusso, Grace Park at Alta.

Kilala rin siya sa buong mundo dahil sa kanyang maka-Pilipinong estilo sa pagluluto ng mga Italyanong pagkain.

Isa rin siya sa mga naghanda ng welcome dinner para sa mga delegado at lider ng iba’t ibang bansa sa 2015 Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, na ginanap sa Pilipinas noong Nobyembre.

Bagamat isa nang Certified Public Accountant, nagdesisyon si Fores na magtayo ng sariling restaurant noong 1987 pag-uwi niya ng Pilipinas galing Italy.

Ayon sa website ng The World’s 50 Best, binuksan kamakailan ni Fores ang Casa Artussi Philippines, ang kauna-unahang campus sa Asia ng isang renowned Italian culinary school. (PAMELA ANN C. BANGAYAN)