HINDI pa halos napapawi ang usok ng 2016 polls, kaagad binuhay ng ilang mambabatas ang panukala hinggil sa pagpapaliban ng barangay elections na idadaos sa Oktubre ng taong ito. Ang naturang adhikain na kinakatigan din ng maraming sektor ng mga komunidad ay nakaangkla sa hindi kanais-nais na patutsadahan at insultuhan sa pangangampanya; kaakibat ito ng karumal-dumal na pagpaslang ng magkakatunggaling kandidato at iba pang malalagim na eksena, tulad ng nangyari kamakalawa sa isang bayan sa Cavite at sa ilang lugar sa Mindanao. Hindi malayo na ang ganitong nakadidismayang situwasyon ay hindi pa huhupa, lalo na kung malalantad na ang mga nanalo at natalong mga kandidato.
Dahil dito, wala akong makitang kabutihan kung isusunod kaagad ang barangay elections. Isipin na lamang ang mga pagkalito sa mahabang panahon ng preparasyon ng katatapos na halalan. Bukod pa rito ang bilyun-bilyong pisong iniukol na pondo na kasing-laki rin ng gugugulin sa eleksiyon ng mga barangay sa buong bansa. At isipin na limang buwan na lamang ang ating pararaanin at idaraos na naman ang halalan.
Malaking kabutihan ang maidudulot ng pagpapaliban ng barangay polls sa Oktubre 2018, tulad ng hinahangad ng ilang mambabatas. Ang malaking halagang matitipid sa pagpapaliban sa naturang halalan ay maiuukol sa makabuluhang mga proyekto, tulad ng konstruksiyon ng mga kalsada, tulay, silid-aralan, ospital at iba pang programang panlipunan. Ang pagdaragdag ng dalawang taong panunungkulan ng mga opisyal ng barangay ay hindi lamang makapagpapatatag sa kanilang liderato kundi magkakaroon pa sila ng sapat na panahon upang matapos ang makatuturang mga gawain. Kahit paano, sila ay magiging abala sa pagpapanatili ng katahimikan sa kani-kanilang mga nasasakupan, kaakibat ng paglipol ng masasamang bisyo na tulad ng pagkasugapa sa bawal na gamot.
Sa kabilang dako, may mga mambabatas din na determinado sa ganap na pagpapawalang-bisa sa barangay polls. Iminatuwid na ito ay nagiging dahilan ng karahasan, vote-buying at pagkakawatak-watak ng mga pamilya: ang barangay funds ay iniuukol lamang sa allowances, suweldo at bogus projects ng mga barangay, lalo na ang kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).
Hindi naman dapat patayin ang demokrasya sa mga barangay. Karapatan ng sambayanan na umaasa sa makabayang paglilingkod ng mga lider ng mga komunidad. Dapat lamang iwasan ang paghahari ng talamak na partidista o partisan politics. (Celo Lagmay)