Cavs, abante sa Eastern Conference finals; Thunder, tumabla sa San Antonio Spurs, 2-2.

ATLANTA (AP) — Ikalawang sunod na sweep, sa ikalawang sunod na playoff series.

Ramdam ang paghahangad ng Cleveland Cavaliers na makabalik sa NBA Finals nang pabagsakin ang Atlanta Hawks, 100-99, para walisin ang kanilang best-of-seven Eastern Conference semi-finals nitong Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Magilas at matatag ang ‘Big 3’ ng Cavs, sa pangunguna ni Kevin Love na kumana ng 27 puntos, habang naisalpak ni LeBron James ang pinakaimportanteng baskets sa huling 39.2 segundo para makumpleto ang serye sa Game 4.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Winalis din ng Cavs ang Detroit Pistons, 4-0, sa first round.

“This is more than I dreamed of,” pahayag ni Cavs playmaker Kyrie Irving. “It’s what I genuinely enjoy about basketball, playing with great guys.”

Sa pagbabalik ni James sa Cleveland mula sa apat na taong pagsabak sa South Beach, muling nabuhay ang pag-asa ng prangkisa para sa kauna-unahang NBA title.

At para masiguro, kinuha ng Cavs si Love mula sa Minnesota para mabuo ang bersyon nila sa ‘Big 3’, ngunit, kinapos sila sa nakalipas na season ng kapwa ma-injure sina Love at Irving bago ang NBA Finals kung saan tinalo sila ng Golden State Warriors.

Ngayon, mas malakas, mas malusog at mas gutom ang Cavs para sa minimithing titulo.

Makakaharap nila sa Eastern Finals ang magwawagi sa pagitan ng Toronto at Miami, ang koponan na ginabayan ni James sa dalawang NBA title. Tangan ng Raptors ang 2-1 bentahe.

“We’re in a great rhythm right now,” pahayag ni James.

“We know exactly where we want to be on the floor.”

Tumapos sina James at Irving na may tig-21 puntos.

May pagkakataon pa ang Hawks na mapahaba ang serye, ngunit nagawang madepensahan nina James at Tristan Thompson si Atlanta guard Dennis Schroder at maipuwersa ang jump ball may 2.8 segundo ang nalalabi sa laro.

THUNDER 111, SPURS 97

Sa Oklahoma City, napantayan ni Kevin Durant ang career playoff high na 41 puntos para sandigan ang Thunder kontra San Antonio Spurs sa Game 4 at maitabla ang Western Conference semi-final series sa 2-2.

Hataw si Durant sa naiskor na 29 puntos mula sa 10-for-13 shooting sa second half.

Nag-ambag si Russell Westbrook ng 14 puntos at 15 assist, habang nag-ambag si Dion Waiters ng 17 puntos at kumubra si Steven Adams ng 16 puntos at 11 rebound.

Nanguna si Tony Parker sa San Antonio sa natipang 22 puntos, habang humugot si Kawhi Leonard ng 21 puntos at may nahugot na 20 puntos si LaMarcus Aldridge.

Nagawang makaabante ng San Antonio sa 11 puntos sa kaagahan ng second quarter, ngunit nabura ito ng Thunder at naisara ang iskor sa 45-44 mula sa 3-pointer ni Durant may 1:47 ang nalalabi sa first half.