Spurs, abante sa Thunder.
ATLANTA (AP) — Maging sa teritoryo ng karibal, malupit ang outside shooting ng Cleveland Cavaliers para kalusin ang Atlanta Hawks nitong Biyernes (Sabado sa Manila) at makalapit sa makasaysayang ‘sweep’ sa Eastern Conference semi-finals.
Nanguna si Channing Frye sa ratsada ng Cavs sa naiskor na career playoff-high na 27 puntos para maitarak ang 121-108 panalo para sa dominanteng 3-0 bentahe ng kanilang best-of-seven playoff series.
Dalawang gabi matapos maitala ang NBA record na 25 three-pointer, muling kumawala ang Cavs sa naisalpak na 21 sa 39 birada sa long range.
Target ng Cavs na tapusin ang serye sa Game Four sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Atlanta.
Hataw sina LeBron James at Kyrie Irving sa natipang tig-24 puntos, habang kumana si Kevin Love, kumumpleto sa ‘Big 3’ ng Cleveland, na may 21 puntos.
Ngunit, sa pagkakataong ito, naagaw ng 32-anyos na si Frye ang atensiyon sa natipang 10 –of-13 shots, kabilang ang 7-of- 9 sa 3-point range. Humugot din siya ng pitongrebound.
SPURS 100, THUNDER 96
Sa Oklahoma City, umuwing dismayado ang home crowd nang magsalanan si Kawhi Leonard ng 31 puntos at 11 rebound para sandigan ang San Antonio Spurs kontra Oklahoma City Thunder at kunin ang 2-I bentahe sa kanilang Western Conference semi-final series.
Ratsada rin si LaMarcus Aldridge sa nakubrang 24 puntos at walong rebound, habang kumana si Tony Parker ng 19 puntos at walong rebound.
Nanguna sa Thunder si Russell Westbrook na may 31 puntos, siyam na rebound at walong assist, habang umiskor si Kevin Durant ng 26 puntos at may ambag si Serge Ibaka na 15 puntos.
Host muli ang Thunder sa Game 4 sa Linggo (Lunes sa Manila).
Umabante ang Spurs sa maagang 35-20 kalamangan mula sa 3-pointer ni David West, ngunit nakabawi ang Thunder sa 9-2 run para manatiling dikit ang laban.
Nakalalamang ang San Antonio, 47-42, sa halftime bago muling umarangkada sa 7-2 run.
Huling nahawakan ng Thunder ang bentahe sa 81-77 mula sa magkasunod na three-pointer nina Ibaka at Westbrook may pitong minuto sa laro.
Subalit, nagtamo ng crucial turnover ang Thunder para makopo ng Spurs ang 96-89 bentahe mahigit isang minuto ang nalalabi sa laro.