Ipinahayag kahapon ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) President Philip Ella ‘Popoy’ Juico na inaprubahan ng International Amateur Athletics Federation (IAAF) ang nominasyon ni long jump champion Maristella Torres-Sunang bilang lahok ng Pilipinas sa pamamagitan ng ‘Universality’.

Sinabi ni Juico na ang kanilang nominasyon ay inaprubahan ng Technical Delegates mula sa IAAF sa ipinadalang email ni Carlo de Angeli, IAAF Competition Department - Senior Manager sa PATAFA nito lamang Linggo.’

Ipinaliwanag ni Juico na ang “principle of Universality” ay isang Fundamental Principles ng OIympic movement.

”Ang pagsasagawa nito ay base sa pagtanggap sa partisipasyon ng alinman kasarian sa Olimpiada particular na sa isang bansa o teritoryo na inirerepresenta ng isa lamang gender o wala mismo na atletang nakapagkuwalipika,” pahayag ni Juico.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Bunsod nito, nabigyan si Torres ng libreng daan para sa ikatlong pagsabak sa Olimpiada kahit hindi pa nito naabot ang qualifying standard na 6.70 meters.

Una nang nakatuntong si Eric Cray, na naabot ang qualifying standard sa 400 meter hurdles, sa isang torneo sa US noong Mayo, sa Rio Games.

Para masiguro ang partisipasyon ng Pilipinong babaeng atleta, isinagawa ng PATAFA ang kahilingan para tanggapin ng IAAF si Torres-Sunang sa ilalim ng nasabing prinsipyo kung hindi nito maaabot ang Hulyo 11, 2016 na deadline para makapasa sa Olympic qualifying standard.

Ihahayag ang partisipasyon nina Cray at Torres-Sunang sa Olympics sa isang opisyal na pahayag na gagawin ng IAAF sa Hulyo 12.

Halos maabot na ni Torres-Sunang ang qualifying standard sa natalong 6.60 meters sa ginanap na Ayala 2016 Philippine National Open sa Philsports track oval noong Abril 7 at sinundan nito ng talon na 6.41 metro sa nakaraang Linggo na Singapore Open na sanctioned ng IAAF.  

May tatlong pagkakataon si Torres-Sunang na makapagkuwalipika para sa kanyang sarili sa pagsabak sa Asian Masters competition sa Singapore Open, ang Taipei Open sa Mayo 19 hanggang 20 at Hong Kong Intercity Athletics Challenge sa unang Linggo ng Hunyo.

Idinagdag ni Juico na maganda rin ang paghahanda at ginagawang pagsasanay para sa 20-anyos na si EJ Obiena na magtatangka ring makasama sa delegasyon ng Pilipinas sa Rio Olympics.

Ipinamamalas ng University of Santo Tomas sophomore ang patuloy na pagpapaangat sa kanyang personal best sa tulong ng IAAF training program sa pole vault center sa Formia, Italy. Si Obiena ay nagkuwalipika sa programa matapos maabot ang qualifying mark na 5.0 meter.

Nanatili ito sa Italy simula Abril hanggang Hunyo 2014. Ang pagsasanay nito sa training center ay nakatulong kay Obiena para ma-improve ang marka mula 5.0 metro tungo sa 5.25 metro na nagbigay dito ng pilak sa ginanap na Hunyo 2015 Southeast Asian Games sa Singapore.

Nabura rin ni Obiena ang national record sa 5.47 metro sa Philippine Open. Ang pinakahuling talon ni Obiena ay nagtala sa pinakabagong Southeast Asian, Philippine at Singapore Open meet record sa nilampasan na 5.55 metro sa 2016 Singapore Open nitong weekend. 

Tulad din ni Torres-Sunang, may tatlong pagkakataon din si Obiena na maabot ang 5.7 meter Olympics qualifying mark na kalahating paa o anim na inches na lamang itong kapos sa standard.

Umaasa si Obiena na makakamit nito ang standard sa alinman sa Busan (Korea) Pole Vault Competitions sa Mayo 13 - 14; sa 2016 Taipei Open sa Mayo 19 - 20 at sa Hong Kong Intercity Athletics Challenge sa unang linggo ng Hunyo.  

(Angie Oredo)