MATAPOS isagawa kamakailan ang kauna-unahang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED), mismong mga kalahok dito ang nanawagan na dalas-dalasan ang naturang pagsasanay. Kung maaari, nais nila itong tambalan ng malawakang first aid training program sa mga komunidad at sa mga paaralan. Ang kambal na programang ito ay parehong nakatuon sa kaligtasan ng mga mamamayan laban sa mga kapahamakan at kalamidad.

Ang nabanggit na sabay-sabay na earthquake drill na pinamahalaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay napapanahon; bilang paghahanda sa lindol na tulad ng yumanig kamakailan sa Japan at Ecuador.

Daan-daang mamamayan ang namatay at maraming gusali at iba pang ari-arian ang winasak ng naturang kalamidad.

Dapat din nating paghandaan ang matagal nang kinatatakutang “The Big One” na sinasabing maaaring maging dahilan ng pagbitak ng east faultline sa isang panig ng Metro Manila. Ang ganitong pangamba ay hindi miminsang binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) batay na rin sa masusing pagsusuri nito sa inaasahang paggalaw ng mga faultline.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Marahil ay sariwa pa sa atin ang pagguho ng isang gusali sa Sta. Cruz, Manila, maraming taon na ang nakalilipas.

Daan-daang mamamayan ang hindi nakaligtas sa condominium na bumagsak na tila kaha ng posporo. Ganito rin ang nangyari sa Hyatt Hotel sa Baguio City na winasak din ng malakas na lindol; ang epekto nito ay umabot pa sa Cabanatuan City na naging dahilan ng pagbagsak din ng gusali sa isang paaralan. Ang mga ito ay sapat na upang magsagawa ng madalas na earthquake drill.

Kasing-halaga rin nito ang paglulunsad ng mga first aid seminar, lalo na ngayong marami na ang nagkakasakit bunsod ng pabagu-bagong panahon. Bukod pa rito ang mga nagiging biktima ng aksidente sa lansangan, sunog at iba pa.

Sa bahaging ito, walang makatututol sa panukala ng isang mambabatas hinggil sa pag-uutos sa mga paaralan na gawing bahagi ng curriculum ang first aid, partikular na sa elementary at high school. Ang ganitong mga kaalaman ay makapagliligtas ng buhay hindi lamang ng mismong mga estudyante kundi maging ng iba pang miyembro ng komunidad, mapangangalagaan ang kalusugan, malalapatan ng lunas ang mga sugat.

Ang earthquake drill at first aid courses ay katumbas ng kaligtasan ng ating buhay. (Celo Lagmay)