Hinoldap ng tatlong armadong lalaki, kabilang ang isa na nakasuot ng coat and tie, ang isang pampasaherong bus sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Nanlulumong nagtungo sa tanggapan ng Pasay City Police ang mga biktimang si Rodel Liocarpio, driver ng Star Bus (UWN-690); konduktor niyang si Bienvenido Ordoñez; at ang mga pasaherong sina Mariel Antendido, Sophia Carmel Antonine Saldanao, at Blessilda Joy Lazaleta. 

Dakong 4:10 ng umaga nang holdapin ng tatlong suspek na armado ng baril ang minamanehong bus ni Liocarpio sa EDSA, malapit sa E. Rodriguez Bridge.

Mabilis na tinutukan ng mga suspek ang mga biktima at sapilitang kinuha ang mga cell phone, wallet, bag, pera at iba pang personal na gamit ng mga ito bago bumaba sa bus at tumakas sa hindi pa batid na lugar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad inutos ni Pasay City Police chief, Senior Supt. Joel Doria, sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng follow-up operation at suriin ang kuha ng CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (Bella Gamotea)