KUNG biniyayaan ang Pilipinas ng likas na yaman, luntiang kabundukan, mayamang karagatan, malulusog na bukirin, magigiting na kalalakihan at magagandang dilag, binigyan din ang bansang tinaguriang “Perlas ng Silangan” ng mga pangulo na iba-iba ang katangian at bansag.

Si ex. Pres. Ferdinand Marcos ay isa umanong “Fake Guerilla”; si ex-Pres. Cory Aquino ay isang “mere housewife”; si ex-Pres. Fidel V. Ramos ay “Mr. Tabako”; si ex-Pres. Joseph Estrada ay “Erap”; si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay “Taray at Aleng Maliit”; at ang nakaupong presidente ngayon na si Pres. Benigno S. Aquino ay “Abnoy” raw. Ito ang mga bansag sa mga pinuno na humawak sa renda ng gobyerno sa kani-kanilang panahon. Si PNoy nga kung minsan ay binabansagang “Mr. Tuwid na Daan.”

Kapag si Mayor Rodrigo Duterte raw ang naging pangulo sa Mayo 9, siya ay tatawaging “Ang Sangganong Pangulo” ng mga Pinoy. Mahilig mag-imbento ng mga pangalan ang ating mga kababayan. Habang sinusulat ko ito, ang sanggano, este si Duterte, ang nangunguna sa surveys ng Pulse Asia at Social Weather Station, ano kayang karisma mayroon ang alkaldeng ito na palamura?

Parang bilib na bilib ang sambayanang Pilipino (kabilang ang kababaihan sa kabila ng rape joke) kay Mayor Digong kahit siya ay sertipikadong killer, babaero at palamura. “Pambansang berdugo” ang turing sa kanya ni VP Binay.

Maging si Pope Francis ay hindi nakaligtas sa “pu **..t...na” ng palamurang mayor dahil sa pagkabagot sa daloy ng trapiko nang bumisita ito sa ating bansa. Lagi pa rin siyang nagmumura sa bawat lugar na pinupuntahan niya. Ilang mura na kaya ang nabitiwan niya, at tinupad kaya niya ang pangakong sa bawat mura niya ay mag-aambag siya ng P1,000 sa Simbahan?

Sina Erap, ex-Mayor Lim, ex-Sen. Robert Barbers, at ex-Sen. Panfilo Lacson ay ibinoto ng mga tao noon dahil matatapang at may lason ang mga dila sa pagbabanta at pagpatay sa mga kriminal, drug trafficker/pusher. Ganitong mga pananalita ang gusto ng mga Pinoy na sawang-sawa na sa patayan, droga, kurapsiyon, nakawan, holdapan, at iba pang uri ng katarantaduhan at krimen sa bansa. At ginagawa ito ni Digong sa kanyang pagkampanya.

Ayaw ng mga Pilipino sa malamyang liderato, paulik-ulik, duwag at walang bayag na administrasyon. Mas gusto nila ang mga pinunong may bayag (kahit sila ay babae), katulad nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales, BIR Commisssioner Kim Henares, ex-DOJ Sec. Leila de Lima, ex-COA chairperson Grace Pulido-Tan, at iba pa. Hindi ba’t hinangan noon ng mga tao si ex-Comelec chairperson Hayde Yorac dahil sa katapangan at kaprangkahan? ‘Di ba’t si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay hinahangaan din ng mga Pinoy ngayon dahil bukod sa matalino ay matalas din ang dila at binangga si JPE?

Parang ito ang sikreto upang ihalal ang isang kandidato ng taumbayan: prangka, matapang, papatay ng mga kriminal, magpapakulong sa mga corrupt official, lilinisin ang bansa sa mga drug pusher, rapist-murderer. Marahil ay talagang sawang-sawa na ang mga Pilipino sa laganap na krimen, kahirapan at kagutuman! (BERT DE GUZMAN)