Binatikos kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) standard-bearer Vice President Jejomar C. Binay ang “maling ikinatuwiran” ni Davao Mayor Rodrigo Duterte sa kanyang pagbibiro tungkol sa panggagahasa at pamamaslang sa isang Australian missionary na umani ng batikos mula sa iba’t ibang sektor.

“Wala namang logic ‘yun,” sabi ni Binay sa mga mamamahayag sa Cagayan de Oro City matapos ihayag ni Duterte na inilabas lang nito ang galit sa nangyaring pagpaslang sa Australian missionary na si Jaqueline Hamill.

Naging viral sa social media ang ginawang pagkukuwento ni Duterte nang mangampanya sa isang lalawigan ang alkalde.

"Kaya lang daw niya nasabi ‘yon dahil galit siya sa murderer. Ano naman ang relasyon noong gagahasain niya ‘yun doon sa galit niya sa murderer? Paanong paglalabas ng galit, ilalabas niya ‘yung kanyang sexual perversion?” ipinunto ni Binay.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sa isang panayam, nanindigan si Duterte na hindi siya hihingi ng paumanhin para sa naturang rape joke.

Si Hamill ay ginahasa at pinatay ng mga bilanggo sa Davao City Jail noong 1989.

“Ganoon talaga magsalita ang…galing ako sa baba eh. ‘Di naman ako anak ng conyo,” katuwiran ni Duterte kaugnay ng pagbibiro niya sa Australian rape victim.

“Hindi katulad mo ang mahihirap,” tugon naman ni Binay. “Hindi nakakatawa sa kanila ang rape at murder dahil sila ang madalas biktima ng rape at murder. Huwag mong insultuhin ang mahihirap. The poor have dignity.” (BellaGamotea)