Hindi na nakapagdiwang ng kanyang ika-22 kaarawan ang isang babae makaraan siyang pagsasaksakin ng lalaking nagalit dahil hindi niya umano binayaran ang P5,000 na inutang niya rito, sa Tondo, Maynila, nitong Martes ng hatinggabi.

“Para kasi siyang nakakaloko, ‘pag dumadaan ako, nginingitian lang ako. Anim na beses ko na siyang siningil nang maayos sa utang niyang P5,000 na mag-iisang taon na sa July, pero binalewala lang niya ang paniningil ko,” sabi ng suspek na si Miguel Estrada, 33, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng Parola Compound, sa Tondo.

Si Estrada ang 20 beses na sumaksak ng balisong kay Jorela Guerrero, 21, ng Building 17, Unit 28, Temporary Housing, Aroma, Tondo, na magdidiwang sana ng kanyang kaarawan sa Sabado, Abril 16.

Dead on arrival si Guerrero sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) dahil sa tinamong 12 saksak sa likod at walo pa sa tagiliran at sa ibang bahagi ng katawan.

PAWS, pinaalala kaligtasan ng mga hayop sa gitna ng bagyong #Kristine

Sa pagsisiyasat ni SPO2 John Charles Duran, ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, nangyari ang insidente dakong 11:45 ng hatinggabi nitong Martes, sa C.P. Garcia Street sa Tondo.

Sa pahayag sa pulisya ni Josephine Guerrero, ina ng biktima, nagte-text sa cell phone ang kanyang anak nang lapitan at pagsasaksakin ng suspek. (Mary Ann Santiago)