Dinukot ng mga armado, na hinihinalang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group, ang isang maglolo sa Barangay Maruing, Lapuyan, Zamboanga Del Sur, iniulat ng militar kahapon.

Ayon sa report ni Major Felimon Tan, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), nangyari ang pagdukot sa mga biktima sa Purok San Francisco sa Bgy. Maruing, Lapuyan, nitong Miyerkules.

Kinilala ng Lapuyan Municipal Police Station (LMPS) ang mga biktimang sina Antonio Tan, 70; at Rayray Tan, 20.

Dinukot ang mga biktima ng walong lalaki na armado ng matataas na kalibre ng baril, ayon sa pulisya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa mga testigo, isinakay ng mga suspek sa dalawang bangkang de-motor ang mga biktima patungo sa direksiyon ng Malangas.

Sinabi ng WesMinCom na naglunsad na ng joint pursuit operation ang militar kasama ang puwersa ng pulisya para mailigtas ang maglolo sa mga bandido. (Fer Taboy)