NOONG nakaraang linggo sinimulang ipatupad ang graphic warning sa mga kaha ng sigarilyo. Ito ay ang paglalagay sa kaha ng yosi ng mga larawan ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Hindi ba nakapagtataka na at nakakabuwisit pa ito? Ang batas na ito ay dapat na ipinatupad noon pang Nobyembre ng nakaraang taon, pero noong nakaraang linggo nga lamang ipinatupad at installment pa.

Ayon sa Department of Health (DoH), hindi pa raw kasi lahat ay malalagyan ng litrato kaya ito ay unang bugso pa lamang. Kumbaga sa pelikula, first chapter. Anak ng huweteng!

Ang dahilan ng DoH, ikinatwiran sa kanila ng kumpanya ng yosi na marami na silang naipagawang kaha noon pa kaya kailangang maubos muna. Anong klaseng pagpapatupad ng batas ang ganyan? Utay-utay? Kung kailan maisipan ng kumpanya ng yosi na maglagay ng larawan, tsaka lang maglalagay!

Noon pa ay marami nang dahilan ang mga kumpanyang ‘yan kaya hindi matuluy-tuloy ang paglalagay ng mga larawan sa kaha at nakapagtatakang sunud-sunuran naman ang DoH. May mga balita pa na naglalagay umano ang mga kumpanyang ‘yan ng yosi sa Department of Trade and Industry kaya nababalam ang paglalagay nito. Ibig bang sabihin, ang “Tuwid na Daan” ay nahaharangan?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nakasaad sa RA 10643 na nilagdaan ni “Tuwid na Daan” President Noynoy Aquino ang batas na ito noon pang 2014, pero noon nga lamang nakaraang linggo sinimulang ipatupad at utay-utay pa.

Kasama sa mga litrato sa kaha na ilalagay ang tungkol sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo, tulad ng cancer sa baga, bibig, lalamunan, dila, emphysema, gangrene, sakit sa puso at katarata. Ayon sa DoH, dahil sa mga sakit na ito, may 87,600 Pinoy ang natitigok taun-taon. Talagang grabe pala!

Pero makaapekto kaya agad ito sa mga naninigarilyo? Matakot kaya sila sa mga larawang ito samantalang kilala ang mga Pinoy sa tigas ng ulo? Na kung alin ang bawal ay siyang gusto at ginagawa. Kung may ilang beses nang sinasabi na ang shabu ay masama, pero sa halip na umunti ay lalong dumami ang nagsisipag-shabu.

Kung sabagay, ito naman siguro ay isang pagbabaka-sakali lang. Baka sakali may mangatakot at sumunod kahit na kaunti. Mabuti na ‘yun kaysa walang nagpapaalaala. Pero kung ipatutupad din lang, biglain na at gawing puspusan. Walang instalment!