Stephen Curry, Larry Baer, Jerian Grant

Home win record, nahila ng Warriors; Curry arya sa NBA all-time 3-point list.

OAKLAND, California (AP) – Dumayo pa ang New York Knicks target na tuldukan ang ratsada ng Golden State Warriors.

Ngunit, tulad ng iba na nauna sa kanila, umuwi silang bigo, luhaan at durog ang buong katauhan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa pangunguna ni reigning MVP Stephen Curry na kumana ng 34 na puntos, nilampaso ng Warriors ang Knicks, 121-85, nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila) para madugtungan ang record regular-season home winning streak sa 50.

Hataw si Curry sa 8 for 13 sa long range at 12 of 20 sa floor bago nagpahinga sa final period kung saan tangan ang Warriors ang mahigit 30 puntos na bentahe.

Kumonekta si Curry ng tatlong sunod na 3-pointer sa kaagahan ng laro at bumuslo ng dalawang sunod sa pagtatapos ng third period para sandigan ang Golden State sa 32-0 kartada na ngayong season sa Oracle Arena.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 19 na puntos, tampok ang limang 3-pointer, habang kumana si Marreese Speights ng 13 puntos, kabilang ang tatlong three-pointer para sa Warriors (61-6) at patuloy na lumalapit sa record na 72-win ng Chicago Bulls noong 1995-96 season.

Nanguna sa Knicks si Carmelo Anthony na may 18 puntos, anim na rebound at anim na assist.

Tinanghal na kauna-unahang NBA player na makapagtala ng 300 3-pointer sa isang season, nahila ni Curry ang marka sa 330 may 15 laro pa ang nalalabi sa regular season.

May kabuuang 1,518 3-pointer si Curry, sapat para malagpasan si Mike Bibby (1,517) sa ika-24 na puwesto sa NBA 3-point career list.

CAVS 99, MAVS 98

Sa Cleveland, nagawang maagaw ni Cavs point guard Kyrie Irving ang bola, may 2.9 segundo sa laro, para maitakas ang makapigil-hiningang panalo kontra Dallas Mavericks, sa kabila ng hindi paglaro ni LeBron James.

Binigyan ng day off ni coach Tyronn Lue si James bilang bahagi ng taktika niyang maipahinga ang premyadong player bago ang playoff. Hindi naman nakadama ng pagkabahala ang Cavs sa pagkawala ni James, hanggang maghabol ang Mavs at makadikit mula sa 18 puntos na paghahabol sa final period.

Nasayang ang pagkakataon ng Dallas na maagaw ang bentahe sa magkakasunod na sablay sa 3-pointer bago na-steal ni Irving ang bola. Kaagad siyang na-fouled at naibuslo ang dalawang free throws bago naisalpak ni Deron Williams ang 3-pointer sa buzzer para sa final count.

Ratsada si Irving sa 33 puntos, habang tumipa si Kevin Love ng 23 puntos at 18 rebound.

Nanguna sina Dirk Nowitzki at David Lee sa Mavs sa nakubrang tig-20 puntos, habang umsikor si JJ Barea ng 17 puntos. Magkasosyo ang Dallas at Houston sa ikapitong puwesto sa Western Conference playoff.

WIZARDS 117, BULLS 96

Sa Washington, pinataob ng Wizards ang Chicago Bulls para paigtingin ang paghahabol sa ikawalong slot sa Eastern Conference playoff.

Kumubra si John Wall ng 29 na puntos, 12 assist at 10 rebound, habang humugot si Bradley Beal ng 20 puntos para sa Wizards na dalawang laro ang hinahabol sa Chicago at Detroit.

THUNDER 130, CELTICS 109

Sa Boston, nagsalansan si Kevin Durant ng 28 puntos, siyam na assist at pitong rebound para gabayan ang Oklahoma Thunder kontra Celtics.

Nag-ambag si Russell Westbrook sa natipang 24 na puntos, habang kumana si Enes Kanter ng 17 puntos at 12 rebound.

Hataw si Isaiah Thomas para sa Boston sa nadaleng 29 na puntos at kumana si Tyler Zeller ng 16 na puntos para sa ikatlong sunod na kabiguan ng Boston.

WOLVES 114, GRIZZLIES 108

Sa Memphis, Tennessee, ratsada sina Zach LaVine na may 28 na puntos at rookie Karl-Anthony Towns na bumuslo ng 18 puntos at 10 rebound para sandigan ang panalo ng Minnesota Timberwolves sa host team.

Nanguna si Lance Stephenson sa Memphis sa nakubrang 24 na puntos at 11 rebound.

Naglaro ang Grizzlies na wala ang starting player na sina Marc Gasol, Mike Conley at Zach Randolph, na pawang may dinaramang injury.