“KABAONG bus” o running coffin? Ano ba ito? Nakakita na ba kayo ng mga kabaong na tumatakbo? Wala pa siguro. Pero sa Metro Manila at sa maluluwang na lansangan sa mga lalawigan ay nagkalat ang mga ito.

Ito ang tawag sa mga bus na kung magsipagharurot sa mga lansangan ay para bang sila ang nagpagawa at nagmamay-ari nito. O kaya nama’y ipinamana na sa kanila ng kung sinumang may mabuting pusong nagpagawa. Karamihan sa mga bus na mahilig humarurot ay talagang mga luma na. Luma ang katawan, luma ang mga ilaw at pati mga gulong ay pudpod na. Ang iba naman ay pinagmukhang bago dahil sa pintura. Ang mga ito ngayon ay tinatawag na mga “kabaong bus”.

Sa totoo lang, matagal na dapat ipinagbawal ang mga ito na bumiyahe. Kalimitan, ang bulok na bus na ito ang nasasangkot sa mga aksidente. Biglang mawawalan ng preno, at susuwagin ang mga sinusundan at makakasalubong. Pero bakit nga ba nakalulusot ang mga ito at pinapayagan pang tumakbo sa mga lansangan? Ilan daang libo ba ang dahilan?

Katulad ng mga salbaheng driver, mga nakikipagtalo sa mga pasahero at kapag napikon ay biglang maglalabas ng samurai. Ang mga driver na kapag hindi nakasundo ang pasahero, mapababae man o lalaki, ay bigla na lang mananampal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

At may mga driver din na holdaper, manyakis, at pasaway. Ang mga ito ay dapat ding bigyang-pansin. Hanggat maaari ay huwag nang hayaang makabiyahe at makapagmaneho. Ang isang barumbadong driver ay laging walang modo kahit na lagi mong kuhanan ng lisensya.

Magkakatambal ‘yang mga “kabaong bus” at “embalsamador na dyipni driver.” Dapat silang burahin sa listahan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa kaligtasan ng mga pasahero at mga taong nasa lansangan na maaaring madamay.

Kung sabagay, maging sa mga pribadong sasakyan; mga delivery truck, mga truck na nagde-deliver ng iba’t ibang produkto, mga kargamento, at iba pa, ay may embalsamador na driver. Dapat ay higpitan din ang mga ito. Dapat na nating panatilihin ang mapayapang lansangan para sa kaligtasan ng bawat isa sa atin. Walang lamangan, at magbigayan.

(ROD SALANDANAN)