Ipagpapatuloy ng LBC Ronda Pilipinas ang paghahanap sa mga potensiyal na talento at posibleng maging kampeon sa cycling sa pagtulak nito patungong Negros Occidental at Panay Islands para sa isasagawang Visayas Leg na magsisimula sa Bago City sa Marso 11 at matatapos sa Roxas City sa Marso 17.
Dinomina nina Jan Paul Morales at kinaaanibang powerhouse na Philippine Navy-Standard Insurance team ang unang ginanap na Mindanao Leg nitong nakalipas na buwan bagama’t inaasahang mahihirapan ngayon ang koponan sa pagsikad ng karera sa Visayas.
Inaasahang aagaw ng atensiyon kina Morales at matitinding koponan ang Mindanao riders na sina James Paolo Ferfas at Ranlean Maglantay, na kapwa naakit ang atensiyon ng maraming tagasuporta sa cycling sa pagsabak sa karera kahit na walang pondo at luma ang mga kagamitan.
Ang 22-anyos na si Ferfas, mula Marbel, South Cotabato, ay nagpakitang -gilas upang mang-agaw puwesto at tumapos na 10th overall habang ang kapitbahay nito na 18-anyos na si Maglantay ay nasa Top 20.
Hindi maitatatwa ang tagumpay ng dalawa kahit na limitado sa badyet, gamit ang pudpod na sapatos, lumang uniporme at mababang kalidad ng bisikleta.
“Gusto lang namin na kumarera,” sabi ni Ferfas, hindi na nakapagpatuloy ng high school dahil sa kahirapan at ibinigay ang tsansa makapag-aral sa mas nakakatanda nitong kapatid na babae.
“Ambisyon ko talaga kumarera sa Ronda,” sabi ni Maglantay, unang nadiskuwalipika dahil sa teknikalidad subalit pinayagan sa huling minuto matapos malaman ang dahilan ni LBC Ronda project director Moe Chulani.
Hindi naman napahiya sa kanyang desisyon si Chulani.
“This is what LBC Ronda Pilipinas is all about, we move lives,” sambit ni Chulani. “Hanap natin talento at iyong may puso na lumaban para magtagumpay sa buhay.”
Sa tulong ng LBC, LBC Express at MVP Sports Foundation, sina Ferfas at Maglantay ay nabigyan ng brand-new gears tulad ng helmet, gloves, cycling shoes at pinahiram din ng competition bikes na nagkakahalaga ng P400,000 bawat isa.
Maliban pa rito ay makakasali na rin ang dalawa sa Visayas at Luzon leg ngayong Marso at Abril na sagot lahat ng nag-oorganisang Ronda Pilipinas.
Ang karera, pinapatakbo ng LBC Express, ay sanctioned ng PhilCycling kasama ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX. (Angie Oredo)