Ikinukonsidera ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iisyu ng voter’s receipt sa mga overseas absentee voter (OAV).
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, napag-usapan ng mga komisyuner na maaaring makapag-isyu ng voter’s receipt sa mga OAV dahil aabutin ng 30 araw ang pagboto ng mga ito, bukod pa sa mas kakaunti ang mga Pinoy na bumoboto sa ibang bansa.
Sa kabila nito, mahigpit pa rin ang paninindigan ng Comelec na hindi gagamitin ng poll body ang naturang security feature ng balota sa halalan sa Mayo 9, dahil na rin sa pangamba ng vote buying at time constraint.
Sinabi pa ni Bautista na makatutulong sa transparency ng halalan ang nabanggit na resibo, ngunit mahirap itong isagawa dahil iisang araw lang ang eleksiyon, at mangangahulugan ito ng karagdagang lima hanggang pitong oras sa proseso ng pagboto.
“’Yung dito sa eleksiyon sa Pilipinas, sa 54.3 million voters, talagang masyadong masalimuot kung magpi-print ng resibo. Talagang hindi kakayanin,” giit ni Bautista.
Tinatayang mahigit 1.1 milyong Pinoy sa abroad ang boboto sa halalan na sisimulan ng Abril 9, at magtatapos sa Mayo 9. (Mary Ann Santiago)