Kalaboso ang bagsak ng isang jeepney driver at kanyang konduktor matapos nilang tangayin ang cell phone at wallet ng isang pasaherong nakatulog sa kanilang sasakyan sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief Insp. Rolando Baula ang mga naaresto na sina Michael Hapin, 22, jeepney driver, ng Esporlas Compound, Putatan, Muntinlupa City; at konduktor na si Allan de los Reyes, 38, ng I. Santos, Malibay, Pasay City.

Lumitaw sa imbestigasyon na pauwi na si Danilo Divina Jr., 28, tubero, sa Dasmariñas City, Cavite, nang sumakay ito sa jeepney ni Hapin sa Bicutan, Taguig City, dakong 11:00 ng gabi nitong Miyerkules.

Pagsapit ng Heritage Hotel sa EDSA, Pasay City ay bigla niyang napansin na nawawala na ang kanyang wallet at cell phone nang magbabayad na siya ng pasahe.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nang tanungin ni Divina si De los Reyes kung namataan nila ni Hapin ang tumangay sa kanyang wallet at cell phone, sinabi ng dalawang suspek na wala silang namataang mandurukot na sumakay sa jeepney.

Sa kalagitnaan ng bangayan, napansin ng mga nagpapatrulyang pulis na sina PO1 Windel Sawad at PO1 Manuel Marrero ang komosyon sa jeepney kaya nilapitan nila ang sasakyan.

Nang inspeksiyunin ang jeepney, natagpuan ng dalawang pulis ang wallet at cell phone ni Divina sa ilalim ng upuan ng driver subalit nawawala na ang P300 ng biktima. (Martin A. Sadongdong)