ronda2 copy

Ronda Mindanao title, abot-kamay ni Morales.

CAGAYAN DE ORO CITY-- Nakahanda na ang seremonya para sa tatanghaling kampeon at si Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance ang may pinakamatikas na katayuan para sa naghihintay na korona.

Tangan ang kumpiyansa na nakamit matapos pagbidahan ang Stage 3, sasabak si Morales sa maiksing 21.7 km Individual Time Trial (ITT) Stage 4 target na mapatibay ang kapit sa liderato sa 2016 LBC Ronda Pilipinas Mindanao Stage dito.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Sa labanan na ang karibal ng rider ay ang kanyang sarili, ang ITT stage ang mistulang buhangin na kailangang maihalo para tuluyang mabuo ang monumento ng tagumpay ng 31-anyos na pambato ng Calumpang, Marikina City.

“Iiwas lang tayo sa trouble. Hindi naman kailang pumaspas pa nang todo, hinay-hinay lang na may kasamang pag-iingat,” pahayag ni Morales.

Tangan ni Morales ang kabuuang 39 na puntos, tampok ang 28 puntos nang pagwagihan ang Stage Three. Sumegunda rin siya kay Ronald Oranza sa Stage 1 at Stage 2 sa Butuan City.

May nakalap din siyang dagdag na 8 puntos matapos pumangalawa kay Lloyd Reynante sa ‘King of the Mountain’ jersey at 3 puntos mula sa ‘Sprint’ category.

Nasa ikalawang puwesto sa overall si Reynante na may 29 na puntos, habang pangatlo si Oranza, kipkip ang 27 puntos.

Nakabuntot sina Daniel Ven Carino at Rudy Roque na magkasosyo sa No. 4 na may 25 na puntos, kasunod si Joel Calderon sa ikaanim (14 puntos) at Navyman John Mark Camingao (11).

Nasa 8 si Navy’s El Joshua Carino (8) kabuntot si LBC-MVPSF’s Arnold Marco (7) at Team LCC Lutayan’s James Paolo Ferfas (6).

Magtatapos ang karera sa pagratsada ng 158.32-km Stage Five sa Malaybalay, Bukidnon sa Sabado.

“Napakaganda po ng karera kasi hindi lang nakikita ang kakayahan ng mga siklista sa akyatin kundi pati kung paano nila iisipin ang taktika nila sa criterium,” pahayag ni Morales.

Ang karera ay inoorganisa ng LBC at LBC Express, sa pakikipagtulungan ng PhilCycling, Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp.; kasama ang Maynilad at NLEX bilang minor sponsor. .

Sisimulan ang 21.7-km Stage Four Individual Time Trial sa Barangay San Miguel, Manolo Fortich at tutungo sa Dahilyanan Forest Park Resort. (ANGIE OREDO)