Patay ang isang babae makaraan siyang pagsasaksakin ng kanyang live-in partner sa mismong Araw ng mga Puso sa Sta. Cruz, Maynila, bunsod umano ng matinding selos.

Kinilala ang biktima na si Jerlyn Flores, 27, habang nakatakas naman ang suspek na si Benny Bernel, 36, tricycle driver, kapwa nakatira sa M. Natividad Street, Sta. Cruz.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, ng Manila Police District-Homicide Section, na dakong 3:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa ikalawang palapag ng inuupahang kuwarto ng dalawa.

Batay sa nakuhang CCTV footage ng Barangay 345, Zone 35, nakitang kinakaladkad ng suspek ang biktima sa M. Natividad Street patungo sa kanilang inuupahang kuwarto.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Makalipas ang ilang sandali ay nakita ng mga residente ang suspek habang papatakas sa eskinita ng Mindanao Street, patungong Rizal Avenue.

Kalaunan ay nadiskubre ng kasamahan ng live-in partners si Flores na duguan at nakahandusay sa kuwarto kaya agad nila itong ipinagbigay-alam sa Blumentritt Police Community Precinct.

Napag-alaman na ang biktima at suspek ay halos isang taon nang nagsasama subalit sa sobrang pagseselos ay umalis ng bahay ang biktima at iniwan ang suspek, may isang linggo pa lang ang nakalilipas. (Mary Ann Santiago)