Sa kulungan na nahimasmasan sa kanilang kalasingan ang isang magkapatid matapos silang makulong dahil sa pagwawala sa isang checkpoint ng mga pulis sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal, oral defamation at paglabag sa City Ordinance No. 0391 sina Jessie Napao, 23; at Jennifer Napao, 27, kapwa ng No. 114 Benin Street, Barangay 86, ng naturang lungsod.

Base sa report, nagmamando ng checkpoint ang mga tauhan ng Caloocan City Police at Special Weapons and Tactics unit (SWAT) sa EDSA, panulukan ng Benin Street at Monumento, dakong 8:30 ng gabi nang itaboy ng mga pulis, sa pangunguna ni PO2 Patrick Nagal, ang mga barker sa lugar para hindi makasagabal sa operasyon.

Dahil sa umano’y lango sa alak, sa halip na sumunod ay pinagmumura pa umano ni Jessie ang mga pulis.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Maging si Jennifer ay minura rin ang mga pulis sa checkpoint kaya pinosasan ang magkapatid.

Napag-alaman na matagal nang inirereklamo ang mga illegal barker sa EDSA na pasimuno rin umano ng illegal parking ng mga pampasaherong jeep na hindi nasasawata ng mga traffic enforcer sa lugar. (Orly L. Barcala)