Arestado ang isang 37-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ang pedicab driver na kanyang nasagi habang naglalakad ang suspek sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, ang suspek na si Jessi Villamor, 37, ng 15171 Santos Street, Barangay 172-17, Malibay, Pasay City.

Ayon sa imbestigasyon, nakatayo ang biktimang si Leo Bryan Cardona, 20, sa tabi ng kanyang pedicab nang dumaan si Villamor at aksidente nitong nasagi ang huli.

Kinumpronta ni Cardona si Villamor na nauwi sa mainitang pagtatalo, ayon sa ulat.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Nang pabalik na si Cardona sa kanyang sidecar, biglang bumunot si Villamor ng isang kutsilyo na may 10-pulgada ang haba at tinarakan ang biktima sa dibdib.

Isinugod si Cardona ng kanyang mga kaanak sa Pasay City General Hospital upang lapatan ng lunas.

Agad na humingi ng tulong ang isang pinsan ni Cardona sa pulisya na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Nabawi rin sa suspek ang kutsilyo na ginamit sa krimen. - Martin A. Sadongdong