Tumuntong sa unang pagkakataon sina Andreja Klepac ng Slovakia at Treat Huey ng Pilipinas sa semifinal round ng mixed doubles sa ginaganap na 2016 Australian Open sa Melbourne.
Itinala nina Klepac at Huey ang 6-2, 7-5, panalo kontra sa No. 3 seed na pares nina Yung-Jan Chan ng Taipei at Rohan Bopanna ng India, upang kapwa makamit ang asam na semifinals slot, ang pinakamataas na nilang naabot sapul nang magsama para sa event isang taon ang nakalipas.
Kinailangan lamang nina Klepac at Huey ng 55 minuto upang makamit ang panalo na tinampukan ng 4 na break points at 30 first serve points na naglapit sa kanila sa asam na kampeonato ng Grand Slam tournament.
Sunod na makakaharap nina Klepac at Huey ang tambalan nina Coco Vandeweghe (USA) at Horia Tecau (ROU).
Ito ang unang pagkakataon para kay Huey na makatuntong sa semifinals ng mixed doubles kung saan nalampasan nito ang naitala noon na 1982 French Open quarterfinals finish ni Biong Sison. (Angie Oredo)