Bukod sa armas, droga at iba pang kontrabando, laking gulat ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) nang madiskubre nila ang isang swimming pool ng isang high profile inmate sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa ika-13 pagpapatupad ng “Oplan Galugad” kahapon ng madaling araw, sinabi ni BuCor Director Rainer Cruz III na nakakumpiska pa rin sila ng tatlong sachet ng shabu at sari-saring drug paraphernalia sa kubol ng mga inmate marshall sa Inmate Custodial Aid (ICA) at Reception and Diagnostic Center (RDC) ng NBP dakong 5:30 ng madaling araw.

Sinabi ni Cruz na nasa 160 ang inmate marshall sa ICA at mahigit 1,000 naman sa RDC na kinabibilangan nina road rage convict Jason Ivler, dating aktor na si Dennis Roldan, at drug trafficker na si Alvin Tan.

Kusa namang isinuko ng isang bilanggo na kasapi ng Genuine Ilocano ang isang caliber 45 at isang .9mm na baril.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi rin pinalagpas ng awtoridad na salakayin ang tatlong palapag na kongkretong kubol ng convicted kidnapper na si Jerry Pepino at doon nadiskubre ang isang maliit na swimming pool.

Sinalakay din ng mga tauhan ng BuCor ang Medium Security Compound kung saan nakakulong ang 5,989 na inmate at narekober sa mga selda ang iba’t ibang appliances tulad ng flat screen TV, rice cooker, portable aircon, DVD player, laptop, gas burner, tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), cellular phone, bluetooth speaker, baraha at kahoy na pamalo.

Tiniyak naman ni Cruz na agad gigibain ang mga magagarbong kubol ng high profile inmate, maging ang nadiskubreng swimming pool, upang hindi na muling pakinabangan ang mga ito. (Bella Gamotea)