Patay ang isang 20-anyos na lalaki makaraan siyang saksakin ng nakababata niyang kapatid matapos niya itong gisingin sa mahimbing na pagtulog sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.
Isang tama ng saksak sa dibdib ang ikinasawi ni John Michael Valencia, ng BS45 C2 Capulong Street, Tondo.
Tinutugis naman ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang 17-anyos na kapatid ni Valencia, na tumakas matapos ang pananaksak.
Batay sa ulat ni PO2 Dennis Turla, ng Homicide Section, dakong 4:14 ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng tahanan ng mga Valencia.
Kasalukuyan umanong mahimbing na natutulog ang suspek nang dumating ang biktima sa kanilang bahay.
Ginising umano ng biktima ang suspek at tinanong kung nasaan ang kanilang ama.
Ikinagalit naman umano ng suspek ang panggigising sa kanya ng kanyang kuya kaya nagtalo ang magkapatid hanggang kumuha ng patalim ang binatilyo at tinarakan sa dibdib ang kapatid bago tumakas. (Mary Ann Santiago)