KAHIT magkakahiwalay na landas ang aming tinahak, maraming beses naman kaming nagkatagpo ni German “Kuya Germs” Moreno sa iba’t ibang okasyon. Iniukol niya ang halos buong buhay niya sa entertainment industry, habang ako naman ay namamayagpag sa pamamahayag. Hindi mabilang ang ginampanan niyang mga pelikula na kinalugdan ng manonood sa loob ng maraming dekada; isa siya sa mga sikat na artista ng Sampaguita Pictures.

Naging tampok sa itinuturing na pamanang mabituin ni Kuya Germs ang kanyang pag-aalaga, wika nga, ng mga young potential stars. Tinuklas niya ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang mga programa sa radyo at telebisyon, isang patunay ng pagdakila sa kanya bilang “Master Showman”.

Ang halos lahat ng kanyang mga “alaga” ay sumikat at naging bida sa iba’t ibang movie production outfit. Una na rito si Nora Aunor, ang kinikilalang “Superstar”. Hanggang ngayon, kaliwa’t kanan ang inaani niyang karangalan mula sa mga pelikula na itinatanghal hindi lamang dito sa ating bansa kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sa bahaging ito naganap ang isa sa mga pagtatagpo namin ni Kuya Germs. Maraming pagkakataon na isinasama niya sa National Press Club ang kanyang mga alaga upang magbigay ng aliw sa mga miyembro at sa pamilya ng naturang organisasyon ng mediamen. Si Nora Aunor, halimbawa, ay mistulang naging mainstay sa NPC na labis namang ikinasiya ng mga manunulat. Ito ang magandang pagkakataon upang pasalamatan si Kuya Germs at kanyang mga alaga.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Siya ay pumanaw kahapon dahil sa cardiac arrest.

Hindi ko rin malilimutan ang madalas naming pagkikita sa studio ng Sampaguita Pictures. Siya, kabilang na ang iba pang big stars, ay kinakapanayam namin – noong ako ay bagito pa lamang sa pagsusulat. Kahit paano, tayo, kabilang na ang ating mga kapatid na manunulat, ay naging bahagi rin ng buhay ng mga artista.

Naging bahagi rin ng buhay ni Kuya Germs ang pagpapahalaga sa kawanggawa at sa kulturang Pilipino. Ito, at marami pang iba, ang maituturing na pamanang mabituin ng tinaguriang Master Showman. Isang madamdaming pakikiramay sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay. (CELO LAGMAY)