Nagtungo kahapon sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang umano’y abusadong taxi driver na kumalat sa social media ang video na minumura at binabantaan ang dalawang babaeng pasahero.
Si Roger Catipay, 37, ay nagtungo sa main office ng LTFRB, kasama ang taxi operator nito na si Ariel Gamboa matapos silang ipatawag ng ahensiya.
Hindi na nagbigay ng anumang detalye sa insidente si Catipay at sinabing ang abogado na lamang niya ang magpapaliwanag.
Ayon sa pasaherong si Joanna Garcia, sumakay siya sa taxi ni Catipay, kasama ang isang kaibigan, sa SM North EDSA at nagpapahatid sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa Mandaluyong.
Sinabi ni Garcia na kinokontrata sila ni Catipay ng P300 na tinanggihan naman nito dahil isinakay naman sila sa taxi stand.
“Ang sabi niya: ‘P250 na lang.’ Ang sabi ko: ‘I-metro mo.’ Ngumiti lang siya,” salaysay ni Garcia.
Pagdating nila sa lugar, binigyan ni Garcia ng P200 si Catipay upang bayaran ang kanilang pasahe na umabot sa P150.
Ngunit hindi na umano ibinalik ng driver ang sukli at sa halip ay sinuntok pa ito kasabay ng pagmumura at pagbabanta nito.
Nauna nang naiulat na posibleng nasa impluwensya ng alak o lulong sa droga ang drayber nang maganap ang insidente.
Sa panig naman ng LTFRB, ipinaliwanag ng isa sa mga board member ng ahensiya na si Antonio Inton Jr., na dapat ding pakinggan ang panig ni Catipay sa insidente. (Rommel P. Tabbad)