Umiskor ng 17puntos si Rosalie Pepito nabinubuo ng 13 hits, 3 blocks at 1 ace para pangunahan ang Jose Rizal University (JRU) sa paggapi sa Mapua, 25-18, 25-23, 25-16 at palakasin ang kanilang tsansang makapasok sa Final Four sa kauna-unahang pagkakataon sa NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nag-ambag naman ang kakamping si Maria Shola Alvarez ng 10 hits at 4 na aces para sa kabuuang 14 na puntos sa naturang panalo, ang kanilang ikaapat sa unang walong laro na nagtabla sa kanila sa ikaapat na posisyon sa Lyceum of the Philippines University na naunang nabigo sa San Beda College, 25-21, 23-25, 15-25, 25-21, 12-15.

Pinangunahan ni Nieza Viray ang nasabing panalo ng Red Lionesses na umangat sa barahang 3-5, panalo-talo, sa kanyang itinalang 25 hits.

Sa kabilang dako, nanguna naman sa losing cause ng Lady Pirates si Grenlen Malapit na umiskor ng 13puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa men’s division, nanatili namang walang panalo ang JRU Heavy Bombers matapos ang walong laro pagkaraang muling yumukod sa Cardinals, 20-25, 15-25, 20-25.

Nagtala ng 10puntos si Angelino Pertierra na binubuo ng 6 blocks habang nag-ambag ng tig-9 puntos sina Philip Bagalay at Samyr Navera upang pamunuan ang nasabing panalo ng Mapua, ang kanilang ikalawa panalo matapos ang unang walong laro.

Samantala, gaya ng inaasahan ay naitala ng league leader sa women’s division San Sebastian College ang kanilang ika-7 sunod na panalo matapos walisin ang event host Letran College, 25-11, 25-17, 25-15.

Muli ay nanguna para sa Lady Stags ang reigning MVP na si Grtechel Soltones na humataw ng kabuuang 13 hits habang nag-ambag naman ang mga kakamping sina Joyce Sta.Rita, Katherine Villegas at Dangie Encarnacion ng 9 at tig-8 puntos, ayon sa pagkakasunud-sunod.

Nagtala naman ng 6 na puntos si Mikaela Lopez para manguna sa Lady Knights na bumagsak sa kanilang ikaanim na sunod na pagkatalo.