MAHIGIT isang linggo na ring lumabas ang balita tungkol sa pagpapagutom o hindi pagpapakain ng Singaporean employer sa isang domestic helper (DH). At sinubukang kalimutan ng kolumnistang ito ang naturang balita, ngunit ang usig ng konsensiya ay ayaw magpatahimik.

Ang domestic helper ay nagngangalang Thelma Gawidan. Hindi binanggit sa balita kung tagasaan si Gawidan. Ang binanggit lamang ay ang kalupitang dinanas niya sa mag-asawang Singaporean na pinagdalhan sa kanya ng recruitment agency na kumuha sa kanya.

Sinasabing unang napadpad sa Singapore si Gawidan noong 2013 at ang mga employer niya ay ang mag-asawang Lim Choon Hong at Chong Sui Fong. Sa unang araw pa lamang ng paninilbihan niya sa mag-asawa bilang Filipino household worker (HSW), pinagandang tawag sa Atsay, ay dumanas na siya ng kalupitan at pagmamaltrato mula sa mag-asawang tila walang kaluluwa.

Sa loob ng 15 buwan ay ginutom si Gawidan. Maliban sa paminsan-minsang pagpapakain sa kanya ng noodles at biskuwit ay wala na. Ni hindi siya pinagagamit ng banyo para maligo. Kaya sa panahong ginugutom siya ng mag-asawa, ang dating timbang niyang 49 kilos ay bumaba at naging 29 kilos na lamang.

Malungkot ang sinapit ni Gawidan sa kamay ng mag-asawang Singaporean. Kasumpa-sumpa! At ito ay hindi dapat balewalain ng ating gobyerno. Hindi hayop si Gawidan. Si Gawidan ay TAO at isang Pilipino!

Dapat na kumilos dito ang mga kinauukulan para mapapanagot ang mga may kasalanan. Buhat sa ahensiyang tumanggap at nagpadala sa kanya sa Singapore hanggang sa buhong na mag-asawang Singaporean.

Kasuhan ang ahensiya at imbestigahan kung ano pa ang mga pananagutan nito. Imbestigahan kung mayroon pang mga tinanggap ito na tulad ni Gawidan na pinagmamalupitan sa ibang bansa. Tanggalan ng lisensiya at kasuhan.

Dapat ding alamin at pag-aralan kung papaano mapananagot at maparurusahan ang malupit na mag-asawang Singaporean.

Hindi dapat pinalalampas ang mga ganitong uri ng pang-aabuso at pagmamaltrato. Hindi dapat na payagan pang makatuntong ng Pilipinas ang malupit na mag-asawa.

Walang puwang ang Pilipinas sa mga alagad ng demonyo! (ROD SALANDANAN)