UNANG Linggo ngayon ng Bagong Taon. Sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko, ipinagdiriwang ang kapistahan ng Tatlong Hari o Three Kings--ang huling araw ng Pasko o Christmas season sa iniibig nating Pilipinas. Tinatawag din na Epiphany na hango sa salitang Griyego na “Epipaneia” na ang kahulugan ay pagpapakita o manipestasyon. Ang Epiphany ay pistang ginugunita at ipinagdiriwang ng mga simbahang Anglicano, Eastern Orthodox at ng Simbahang Katoliko tuwing ika-6 ng Enero. Ngunit matapos ang Vatian ll, noong 1970, inilipat ang pagdiriwang sa unang Linggo kasunod o matapos ang Bagong Taon.
Sa araw na ito ng kapistahan ng Tatlong Hari, tatlong manipestasyon o paghahayag ang ginugunita: Una ay ang pagbibinyag ni San Juan Bautista kay Kristo sa ilog ng Jordan. Ikalawa ay ang revelation o paghahayag sa mga Hentil na si Kristo ay Manunubos na inilalarawan ng Tatlong Haring Mago na kumakatawan sa mga Hentil. Ang ikatlo ay ang unang milagro ni Kristo sa isang kasalan sa Cana. Ang tubig ay ginawa Niyang alak.
Ang Pista ng Tatlong Hari ay sinimulan pa noong 194 A.D. Nauna pa ito sa Pasko na itinuturing na isang mahalagang religious festival. Ang gabi ng Epiphany ay tinatawag na Twelfth Day of Christmas. Ang Epiphany ay isa sa tatlong pangunahin at sinaunang festival o pagdiriwang ng Simbahang Katoliko tulad ng Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay at ang araw ng Pasko. Tinawag silang Tatlong Hari dahil sa kanilang handog sa Banal na Sanggol tulad ng ginto, insenso at kamanyag, gayundin ang mira. Ang mga handog ng Tatlong Hari ay simbolo ng pagiging HARI, DIYOS at TAO ni Hesus na dadanas ng pagpapakasakit at paghihirap.
Nang isilang ang Dakilang Mananakop sa sabsaban sa Bethlehem, isang Tala ang sumikat. Nakita ng Tatlong Hari ang kahanga-hangang biuuin sa kalawakan. Palibhasa’y natatangi at kakaiba sa milyun-milyong bituin, ito’y tinawag na “Star of Bethelehem” o Tala ng Bethelehem. Ang “Star of Bethlhem” ay simbolo ng katahimikan para sa sangkatuahan mula sa Silangan, ang Tatlong Hari na kilala bilang sina Melchor, Gaspas at Balthazar ay naglakbay. Sila’y ginabayan ng tala ng Bethlehem at may dalang mga handog sa Banal na Sanggol. Ang paghahandog ng Tatlong Hari ay pinaniniwalaang simula at batayan ng pagbibigay ng aginaldo kapag sumasapit ang Pasko. Sa bahagi ng awiting pamasko ng Mabuhay Singers na may pamagat na ‘Simula ng Pasko’ ay ganito ang mga lyrics: “Nauna ang tatlong Mago/ nagbigay ng regalo. /Simula na ito ng kagandahang-loob/ ng mga taong naging Kristiyano./ Habang tayo’y nabubuhay/ ang Pasko ay ipagdiwang/ at itangi ang pagsilang/ ni Jesus na ating minamahal”. (CLEMEN BAUTISTA)