ANG walang katiyakang pagpapalawig ng Rent Control Law (RCL) ay nangangahulugan ng kalungkutan sa mga nangungupahan at kagalakan naman para sa mga nagpapaupa. Ang naturang batas ay nangangalaga sa kapakanan ng mga housing tenants laban sa mga abusadong house lessors.

Magugunita na ang RCL ay halos tatlong dekada na ring umiiral. Pangunahing probisyon nito ang pagbabawal sa pagtatakda ng labis-labis na singil sa mga nangungupahan, kabilang na ang pagpapatupad ng hindi makataong reglamento na makagigipit sa mga nangungupahan.

Subalit ang implementasyon ng naturang batas ay pinalawig hanggang nitong Disyembre 31, 2015. Ito ang dahilan kung bakit isinulong sa Kamara ang isang panukalang-batas na nagpapalawig sa RCL hanggang sa Disyembre 31, 2019. Wala pang katiyakan kung ang nasabing bill ay magkakaroon ng positibong resulta; kung ito ay pag-aaksayahan pa ng panahon ng mga mambabatas na ang karamihan ay masyadong abala na sa pangangampanya para sa napipintong halalan.

Samantala, walang alternatibo ang mga nangungupahan kundi paghandaan ang maaaring maging hakbang ng mga nagpapaupa na matagal ding nagsakripisyo sa pagtupad ng isang batas na sa paningin ng higit na nakararami ay marapat lamang mangalaga sa ating mga kapatid na walang mga tahanan.

Nagagalak naman ang mga house lessors. Pagkakataon naman nilang makabawi sa malaki nilang nagastos sa pagpapatayo ng pinauupahan nilang mga bahay at apartment. Lalo na ngayon na nakalulula ang presyo ng mga building materials at iba pang kailangan sa pangangalaga ng kanilang pinauupahan. Nakatali ang kanilang mga kamay sa pagpapalayas ng mga house tenants na walang malasakit sa pangangalaga ng kanilang inuupahan; na pabaya sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon.

Dapat paigtingin ng administrasyon ang pagpapatupad ng low-cost housing program para sa mga walang bahay. Kabilang na rito ang mga biktima ng mga kalamidad na hanggang ngayon ay nananatili pa sa mga evacuation centers. Taon na ang nakalilipas, subalit nagtitiis pa rin sila sa mga pangako na lagi namang napapako. Dapat ding mailipat sa makataong tirahan ang mga street dwellers na naglipana sa mga lansangan.

Ang pagpapatupad ng makataong programang ito ang makapagpapahina sa epekto ng walang katiyakang RCL extension.

(CELO LAGMAY)