CAMP OLIVAS, Pampanga – Isang lalaki, na umano’y nang-hostage ng isang siyam na taong gulang na lalaki, ang binaril at napatay ng mga rumespondeng pulisya nitong Martes ng gabi sa loob ng isang fast food store sa Balibago, Angeles City sa Pampanga.

Sinabi ni Chief Supt. Rudy Lacadin, Police Regional Office (PRO)-3 director, na hinostage ni Jonjon Roncales, tubong Samar, ang siyam na taong gulang na biktimang taga-Dau sa Mabalacat, matapos na hablutin ang bata mula sa ina nito habang kumakain sila sa Chowking sa Balibago.

Agad na rumesponde ang mga operatiba ng Station 4, sa pangunguna ni Senior Insp. Dante Q. Cabungcal, at tinangkang makipagnegosasyon sa suspek na nakaupo sa pagkakasandal sa pader ng restaurant.

Ayon sa pulisya, yakap ng suspek ang biktima habang tinututukan ng nakabaligtad na tinidor ang mga mata ng paslit.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nang mabigo ang negosasyon at nagsimula nang saktan ng suspek ang mga mata ng bata, napilitan si Cabungcal, na nakatayo sa harap ni Roncales, na barilin sa balikat ang huli.

Kapwa dinala sa ospital ang biktima at ang suspek.

Nagtamo ng minor injuries sa mata ang bata, habang hindi naman umabot nang buhay sa ospital si Roncales.

(MAR T. SUPNAD)