Isasara ang ilang pangunahing lansangan sa Makati City bukas, Disyembre 31, upang bigyang-daan ang pagdaraos ng “Shout! Makati New Year’s Eve Countdown” sa University of Makati (UMAK) Track & Field Oval.

Sa abiso ng Information Community Relation Department (ICRD) ng Makati City Hall, simula 2:00 ng hapon ng Disyembre 31, 2015 hanggang 2:00 ng umaga ng Enero 1, 2016 ay isasara sa mga motorista ang J.P. Rizal Extension—mula Lawton Avenue hanggang Buting.

Tanging ang mga residente sa Barangay West Rembo at Barangay East Rembo ang papayagang dumaan sa naturang bahagi ng lansangan.

Matinding traffic ang inaasahan sa ilang lugar sa lungsod kaya pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Nabatid na ang ibang sasakyan ay maaaring dumaan sa Kalayaan Avenue patungong C-5 Road at Buting.

Ang mga sasakyan na magmumula sa Guadalupe/EDSA ay pinapayuhang kumanan sa Lawton Avenue, kaliwa sa Kalayaan Avenue at kanan sa C-5 Road patungong destinasyon (southbound) o kaya’y dumaan sa elevated U-turn at kanan patungong Buting at Pateros o dumiretso patungong Pasig (northbound).

Maaaring dumaan ang mga sasakyan na magtutungo ng Gudalupe/EDSA sa Kalayaan Avenue via elevated U-turn at kanan ng Lawton Avenue, kaliwa ng Guadalupe, patungong destinasyon.

Tanging ang mga sasakyan na may car pass ang papapasukin sa UMAK at Makati Park and Garden samantalang ipatutupad ang one-side parking sa J.P. Rizal Extension (UMAK side).

Pinaalalahanan ng Makati government ang mga motorista na iwasan ang naturang mga lugar upang hindi maabala at maipit sa trapiko. (Bella Gamotea)