TULOY ang Pasko sa kabila ng pananalanta ng mga bagyong ‘Nona’ at ‘Onyok’. Libu-libong residente mula sa Pampanga at Bulacan ang magdiriwang ng Pasko sa mga evacuation center o sa ibabaw ng mga dike habang naghihintay ng pagtigil ng pagragasa ng tubig mula sa kabundukan ng Nueva Ecija, na kinalbo ng mga ilegal logger.

Kung si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang laging nangunguna sa mga survey ng Social Weather Stations at Pulse Asia, si Sen. Miriam Defensor Santiago ay “Never Say Die” nang manguna sa presidential poll na ginawa ng UST official publication, ang Varsitarian. Nagtamo siya ng 66% mula sa 1,366 respondents na gusto siyang maging pangulo ng bansa sa survey noong Oktubre 26-Disyembre 10, 2015. Sumunod sa kanya sina ex-DILG Sec. Mar Roxas, 8%; Sen. Grace Poe, 5%; at VP Jojo Binay, 3%. Aba, bakit wala si Duterte?

Bukod sa UST, nag-top din si MDS sa campus polls ng PUP at UP-Los Baños.

***

Bawal sa mga tauhan ng NAIA na mag-Merry Christmas o magpahiwatig ng paghingi ng regalo sa mga pasahero. Ito ang kautusan ni Manila International Airport Authority (MIAA) senior assistant general manager Vicente Guerzon.

Gayunman, kung ang pasahero raw ang unang bumati ng Merry Christmas, dapat tugunin ito ng Merry Christmas din.

***

Mukhang matatagpuan na rin ni Sen. Grace Poe ang tunay niyang pinagmulan. Nagpa-DNA test na ang ilang miyembro ng Rodriguez family mula sa Guimaras Island upang matukoy kung ang batang iniwan for adoption ng kanilang panganay na kapatid na si Victoria Rodriguez noong mga huling taon ng 1960, ay si Sen. Grace nga na kanilang pamangkin.

Sinabi ni Junie Rodriguez, 54, na hindi sila lumutang para sa pera. Hindi raw nila alam na may P300,000 reward offer ang isang retiradong hukom para sa sino mang magbibigay ng impormasyon sa biological parents ni Amazing Grace.

Inihayag ni Junie na ang bunso nilang kapatid na si Lorena Rodriguez-Dechavez at 2 pang anak ni Victoria ay nagpa-DNA test na bago pa ang alok na reward ng hukom.

***

Mula sa Berlin, lumilitaw na si Hitler pala ay may isa lang na “balls” o bayag. Lumabas sa medical records na siya ay may isang testicle lang. Nawala raw ang isa noong Battle of the Somme noong WWI. Pero, sa isang medical record mula nang si Hitler ay ibilanggo matapos ang bigong Munich Beer Hall putsch noong 1923, dumanas siya ng right-side crypt-orchidism—isang kondisyon na ang isang testicle ay ayaw bumaba sa scrotum.

Ibig bang sabihin, ang matatapang ay isa lang ang bayag? (BERT DE GUZMAN)