HINDI na matutuloy ang sampalan, suntukan at duwelo nina ex-DILG Sec. Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Mukhang nahimasmasan din ang dalawang kandidato sa pagkapangulo dahil sa katakut-takot na batikos sa kanila sa social media at iba pang mamamayan na nais nilang paglingkuran. Naasar at may nagalit sa pag-aasta nilang parang mga sanggano at pagbibida sa mga botante kung sino ang mas siga sa kanilang dalawa. Ang duwelo ay “kumita” na sa pelikulang “OK CORRAL” na isang western movie na nagbarilan ang dalawang sikat na pistolero.

Sinabi ni Roxas na bagamat handa siyang harapin si Duterte sa kahit anong hamon nito, naisip niyang tapusin ang “pataasan ng ihi” at iwaksi ang “word war” upang ang pagtuunan ng pansin ay ang kapakanan, kagalingan at kabutihan ng bayan. Pahayag ni Mar: “Hindi ako natatakot sa kanya. Handa akong harapin siya. Hindi ko siya uurungan.” Ayon kay Roxas, ang nakataya sa halalan sa 2016 ay ang kinabukasan ng 100 milyong Pilipino na kailangang magkaroon ng isang tunay na leader na rerenda sa gobyerno.

Ang tunay na lalaki ay matapang, magaling at matigas na siyang angkop na leader ng Pilipinas at hindi iyong sagana sa paghahamon, mahilig magmura at pagyayabang na papatay ng mga kriminal. Ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa na may mga prosesong sinusunod sa pagkakamali o paglabag sa batas ng isang indibidwal. Kung basta mo na lamang papatayin ang isang pinaghihinalaang kriminal, puputulan ng bayag ang isang rapist-murderer at ipapa-ambush ang isang tiwaling pulitiko, aba naman, ito ay mahigit pa sa diktadurya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang dapat gayahin o gawing modelo ng nagbabangayang sina Roxas at Duterte ay si ex-Pres. Fidel V. Ramos. Pinatunayan ni FVR na siya ay isang tunay na lalaki at leader nang siya ay kumasa sa rehimeng Marcos (ex-President Marcos) at sa puwersa ni ex-Chief of Staff Gen. Fabian Ver na hawak ang buong military at PC-INP noong panahon ng diktadurya.

Noong Pebrero 1986 kasama si noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile, kumalas si Mr. Tabako sa administrasyon ng kanyang pinsang si Ferdinand E. Marcos, nanawagan sa mga mamamayan, sa mga sundalo at pulis na sumanib sa kanila laban sa diktador.

Naniniwala si Ramos na dapat nagkaroon ng presidential decorum sina Roxas at Duterte, magtaglay ng karakter na maginoo, maunawain, malawak na kaisipan na puwedeng ikumpara sa ibang mga leader sa mundo. Dapat daw silang maging pang-world class na magiging huwaran ng mga Pilipino na tatanggapin ang kanilang plataporma-de-gobyerno tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa na hanggang ngayon ay nagdurusa at naghihirap dahil hindi makatagpo ng mga leader na ang prayoridad ay kabutihan ng bayan at ng mamamayan, at hindi ang mga bulsa at deposito sa bangko!

(BERT DE GUZMAN)