PARANG isang mayumi at matimtimang babaeng (dilag) Pilipina, hindi na nakapagtimpi si Sen. Grace Poe nang banatan niya si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte ng paglabag sa human rights, bunsod ng pagyayabang ng mayor na tatlong kriminal ang binaril at pinatay niya. Bagamat hindi niya pinangalanan si Duterte, maliwanag na ang machong alkalde ang pinatutungkulan ni Amazing Grace nang sabihin niyang ang gobyerno o mga taong lumalabag sa mga karapatang pantao ay lumalabag din sa international human rights. Wala raw silang karapatang mamuno sa ating bansa.
Sa paggunita sa International Human Rights Day noong Huwebes, sinabi ni Poe na ang dapat maging leader ng Pilipinas ay nagtataguyod at gumagalang sa human rights. Si Duterte ay inaakusahang puno ng Davao Death Squad (DDS) na kanyang itinatag sapul nang maging mayor siya ng siyudad noong 1988. Marami na raw napatay na kriminal ang DDS.
Hinamon ng Liberal Party Coalition si Mayor Digong na magpakatapat at ihayag kung totoo ngang pumatay siya ng mga kriminal o ang mga ito ay kuwento lamang at kathang-isip. Nagiging popular siya dahil sa kanyang “unorthodox way” o kakaibang paraan ng pagsugpo sa krimen, sa pagsasalita at paghahayag na lilikidahin ang mga drug pusher, smuggler, rapist-murderer, tiwaling pulitiko, atbp.
Dahil dito, nag-Number One siya sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na ipinakomisyon ng kanyang kaibigan at negosyanteng supporter na si William Lima. Kailangan daw patunayan ni Duterte ang mga pahayag tungkol sa pagpatay.
Ito ang hamon ni Akbayan Rep. Ibarra Gutierrez, tagapagsalita ng LP.
Mismong sa akusasyon ng Amnesty International ay inamin ni Duterte na nakapatay na siya ng 1,700 tao o kriminal.
Ayon kay Gutierrez, upang ito ay hindi magiging kuwento lang, kailangang patunayan niya ito, pangalanan ang mga biktima, petsa at lugar kung saan niya pinatay ang mga biktima.
Samantala, sinabi ng Comelec na ididiskuwalipika nito ang mga kandidato na lumalabag sa mga karapatang pantao.
***
Mukhang matutunton at makikilala na ni Sen. Grace Poe ang kanyang pinagmulan nang isang taga-Guimaras na nagpakilalang tiya niya,si Lorena Rodriguez-Dechavez. Handa si Dechavez na magpa-DNA upang maresolba ang problema ni Poe. Sinabi ni Dechavez na matagal na nilang alam na si Grace ang anak ng kanilang ate na si Victoria, pinakamatanda sa 12 magkakapatid, na namatay sa sakit sa puso noong 1996. (BERT DE GUZMAN)