Tinawanan lamang ni Senate President Franklin Drilon ang sinasabing pakana ng Liberal Party (LP) na no election scenario.
Ayon kay Drilon, kahit sa panaginip ay hindi nila naisip ang ganitong scenario dahil malinaw naman na maging si Pangulong Benigno Aquino III ay gusto nang magpahinga.
“’Yan ay kalokohan at walang katotohanan iyan. Bakit naman iyan gagawin iyan? Ang Pangulo ay binibilang na lang kung ilang araw na lang ang nalalabi sa kanyang administrasyon, at ibig n’ya na po magpahinga. He deserves to rest and he has served our country well. ‘Yan pong mga intriga na iyan ay sana naman po ay huwag na natin bigyan ng halaga at hindi naman totoo iyan,” paniniyak ni Drilon.
Lumutang ang isyu na hindi matutuloy ang halalan makaraang isulong ng Commission on Election (Comelec) ang “no bio, no boto.”
Naglabas naman ang Supreme Court ng Temporary Restraining Order (TRO) sa naturang polisiya at pinagpaliwanag ang Comelec. (Leonel Abasola)