CAMP JUAN, Ilocos Norte – Isang walong taong gulang na lalaki ang naospital makaraang masugatan ang kanan niyang kamay nang biglang sumabog ang pinaglalaruan niyang paputok sa Barangay Capasan, Dingras, Ilocos Norte, nitong Biyernes.
Kinumpirma kahapon ni Chief Inspector Jonathan Papay, tagapagsalita ng Ilocos Norte Police Provincial Office, na maayos na ang lagay ng hindi pinangalanang paslit matapos na maputulan ito ng isang daliri sa kanang kamay makaraang masabugan ng paputok na piccolo.
Sinabi ni Papay na ito ang unang insidente na may kinalaman sa paputok na naitala sa lalawigan ilang linggo bago ang Pasko at Bagong Taon.
Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng pulisya sa lugar na binilhan ng bata ng piccolo.
Ayon sa awtoridad, natukoy ang pinagbilhan na Miriam’s General Merchandise, sa Dingras Old Public Market sa Barangay Albano, Dingras.
Iinspeksiyunin sana ng awtoridad ang tindahan ngunit kusa nang isinuko ng tindera ang mga panindang paputok, kabilang ang dalawang katamtaman ang laking kahon na may 23 maliliit na kahon ng Corsair Pacquiao-Ultramaa (piccolo), at 15 maliliit na kahon ng Pop pop.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga paputok para sa kaukulang disposisyon. (Freddie G. Lazaro)