Namatay nitong Sabado ang isang lalaki makaraang aksidenteng mabundol ng minamaneho niyang tricycle ang isang palabuy-laboy na baka sa Magallanes-Maragondon Road sa Barangay Tulay-B sa Maragondon, Cavite, iniulat ng pulisya kahapon.

Agad na binawian ng buhay si Norvie Emelo Ramos, 26, electrician, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo.

Iniulat ni PO2 Teddy C. Labampa na nangyari ang aksidente dakong 1:45 ng hapon nitong Sabado.

Minamaneho ni Ramos ang kanyang itim na Kawasaki motorcycle na may sidecar (5917-WX) nang aksidenteng mabundol nito ang isang baka.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Sa lakas ng impact, nahulog si Ramos mula sa minamanehong tricycle.

Ito na ang ikalawang insidente na may namatay dahil sa isang lumaboy na baka sa Cavite, ngayong taon.

Noong Pebrero, tumilapon ang isang lalaki mula sa humaharurot niyang motorsiklo matapos niyang mabundol ang isang nagpapalabuy-laboy na baka sa Daanghari Road sa Imus City. - Anthony Giron