Isang kandila na naiwang nakasindi ang naging dahilan ng pagkakatupok ng may 13 bahay sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ito ang lumalabas sa imbestigasyon ni F/ Supt. Antonio Rosal, Jr., Caloocan City Fire Marshall, matapos masunog ang kabahayan sa General Tirona sa Barangay Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Ayon kay Rosal, dakong 8:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang “Dindo”.

Umalis ng bahay ang padre de pamilya at tanging mga anak nito ang naiwan sa bahay, at kandila ang ginagamit na ilaw ng magkakapatid dahil wala silang kuryente.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ni Rosal na posibleng natumba ang kandila at bumagsak sa mga nakaimbak na tsinelas na gawa sa alpomba, na pinagkakakitaan ng pamilya.

Mabilis namang nasaklolohan ng mga kapitbahay at nailabas sa nasusunog na bahay ang mga anak ni Dindo.

Nagreklamo rin ang mga bombero dahil nakialam ang mga residente, na ang ilan ay nagpilit na agawin ang gamit nilang hose kaya naantala ang pag-apula sa mga nagliliyab na bahay.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog, pero umabot sa P300,000 ang halaga ng ari-ariang naabo.

Humihingi naman ng ayuda sa pamahalaang lungsod ang mga nasunugan. (Orly L. Barcala)