MAY sagot ang taga-Dreamscape Entertainment tungkol sa sinulat namin kahapon na cause of delay ng taping ng Inday Bote si Alex Gonzaga na busy sa nalalapit niyang The Unexpected Concert na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Abril 25.
“Alam mo, nakakaawa naman si Alex, puro nega na lang ang nasusulat sa kanya,” sabi ng source namin. “Unang isyu, kesyo may humaharang daw sa promo guesting niya, eh, sino naman ang haharang? Pangalawang isyu, heto, cause of delay naman daw sa Inday Bote. Ano ‘yun, hindi naman totoo ‘yun!
“Actually, nagtanong nga sa amin si Direk Lauren (Dyogi) kung nagpaalam daw sina Alex at Mommy Pinty (Gonzaga) kasi nga baka manghingi ng mga araw for rehearsals, sabi namin wala naman, okay naman ang schedule, walang nasasagasaan. In fact, kami pa nga ang may utang na tatlong linggo kay Alex kasi hindi pa namin nagagamit.
“Hindi nanghihingi ng araw si Mommy Pinty, kung may hihingiin siya, may ipapalit ding ibang araw. Hindi pa nga namin nagagamit ‘yung mga araw kasi na-extend kami sa mga batang kinukunan.
“’Kita mo nga, hindi pa nga siya (Alex) lumalabas (sa Inday Bote) kaya hindi totoong cause of delay siya,” sabi sa amin ng taga-Dreamscape at idinagdag na hindi nakakatulong ang negative write-ups kay Alex.
“Kawawa naman, may concert, baka hindi bilhin ang tickets sa mga nababasa nila, ‘wag naman ganu’n,” paliwanag sa amin.
Ang opinyon ng taga-Dreamscape kaya siguro ninenega si Alex, “Siguro pa-underdog para maraming maawa na inaapi, posibleng ganu’n ang strategy ng promo na hindi maganda.”
Hindi naman daw talaga totoong hinaharang ang guestings ni Alex para sa promo ng Unexpected concert niya dahil nag-guest na nga siya sa ASAP at GGV noong Linggo.
“Hindi naman puwedeng isang buwan pa bago ang show, eh, magpo-promote na siya, siyempre unahin muna niya ang Inday Bote at ‘yung album niya.
“Kung baga, nauna ‘yung mga ‘yun, so isusunod ‘yung concert niya, probably mga two weeks before the show ‘yun,” katwiran pa sa amin.
Kanino nga ba galing ang isyung hinaharang at cause of delay sa taping ng Inday Bote? Itanongin nga natin sa mga duwendeng kasama ni Inday Bote!
–Reggee Bonoan