Totoo kayang ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ang magiging tunay na solusyon sa pagpawi sa ilang dekadang kaguluhan at karahasan sa Mindanao? Sumulpot ang katanungang ito kasunod ng nakagigimbal na pagkamatay ng 44 PNP Special Action Force (SAF) commando sa kamay ng MILF at BIFF sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
May hinalang kinukupkop ng MILF at ng BIFF ang kilabot na teroristang si Zulkfli bin Hir, alyas Marwan, at Basit Usman, kapwa bomb expert-maker. Isipin na lang natin na ang MILF at gobyerno ay may umiiral na usapang pangkapayapaan pero bakit minasaker nila ang mga kabataang SAF na magsisilbi ng warrant of arrest kay Marwan?
May mga ulat na may bagong rebel group ang lumilitaw ngayon sa Mindanao - ang Justice for Islamic Movement (JIM) - na ang organizer ay si Mohamad Ali Tambako, isang radical Muslim cleric na nagsanay sa Middle East. Isa siya sa mga lider ng BIFF na kumalas at nag-organisa ng isang bagong grupo ng jihadists, na kumukupkop daw kay Basit Usman ngayon at lima pang dayuhang terorista.
Humiwalay si Tambako sa BIFF ni Commander Ameril Umbra Kato dahil sa ‘di pagkakaunawaan sa mga isyu na may kinalaman sa mga Muslim sa Mindanao. Samakatwid, pagkatapos ng Bangsamoro entity o substate sakaling maitatag ito, meron na namang bagong grupong rebelde na lilitaw sa Mindanao.
Kumporme ako kay kaibigang columnist Dick Pascual nang sulatin niya: “Meron na tayong ARMM. Bakit pinipilit ang BBL?”. Dagdag pa ni Dick: “As they say, if it ain’t broke why fix it?”. Palakasin at ayusin na lang ang ARMM sapagkat itinatag ito alinsunod sa Constitution ‘di tulad ng BBL na marami umanong probisyong labag sa Constitution.
Ang ARMM ay nakatatag na. Saklaw nito ang limang probinsiya na may tatlong milyong populasyon. May pondo itong bilyun-bilyong piso. Ang governor dito ay malayang inihahalal ng mga Muslim. Sakali mang nilulustay lang daw ang malaking pondo para sa ARMM, eh papanagutin ang governor at mga opisyal na nangangasiwa rito. Di tulad ng Bangsamoro na parang isang substate na baka sa bandang huli ay tuluyang humiwalay sa Republika ng Pilipinas!