NAGHIHINTAY LANG KAMI ● Nagpahayag ang Department of Health (DOH) na nakahanda ang lahat ng ospital ng gobyerno sa emergency situation na sasapitin ng matitigas na ulo at mga pasaway na hindi mapagsabihang huwag nang magpaputok sa pagsalubong ng Bagong Taon. Kasi naman, taun-taon na lang, may nadidisgrasya bunga ng pagpapaputok ng firecracker lalo na yaong malalakas na ipinagbabawal ng gobyerno. Inanunsiyo pa na hindi kakapusin sa mga gamot, mga anti-antibiotic at anti-tetanus shots sa mga masusugatan dahil sa paputok. Kung tutuusin, tungkulin naman ito ng mga ospital ng gobyerno at kahit sinong dalhin sa kanilang biktima ng paputok, bata man o mantanda, may ipin o wala, gagamutin nila.
Ang dating ng pahayag na ito sa akin ay ganito: “Kung mapuputukan kayo at masusugatan, lagi kaming handa para gamutin kayo. Andito lang kami, naghihintay ng biktima ng paputok.” Kaya okay lang magpaputok kasi may mga ospital ng gobyerno na gagamot sa mapuputukan. Teka, ako yata ang mali. Ngunit kung iibahin natin ang pahayag: “Hindi po kami tatanggap ng pasyenteng biktima ng paputok.” Imposible ang ganoong pahayag. Ngunit kung ganoon nga, may magpapaputok pa kaya?
***
MAGTULUNGAN TAYO ● Nanawagan kamakailan si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos upang labanan ang nakamamatay na AIDS. Aniya,
mayroong HIV-AIDS center sa Mandaluyong kung saan libreng nagsasagawa ng konsultasyon at pagsusuri. “Hindi nating ipasawalang-bahala ang sakit na ito dahil hindi lamang nakamamatay… ay malaki ang epekto nito sa pamilya, komunidad at ng bansa,” ani Abalos at binanggit ang stigma na likha ng naturang sakit. Iniulat ng Alkalde na mayroong 56 kaso ng HIV-AIDS sa Mandaluyong. Nabatid nasa National Capital Region ang pinakamalaking bulto sa 21,526 kaso ng HIV-AIDS kung saan una umano sa listahan ang Quezon City. Sapagkat nitong mga nagdaang buwan, naalarma tayo sa nakamamatay na Ebola virus kung kaya binabantayan ang bawat dumarating sa ating bansa, sumasailalim sa kung anu-anong screening, may quarantine pa. Ngunit ang AIDS paano ito babantayan? Paano malalaman kung may AIDS na ang iyong mahal sa buhay? Hindi masama ang boluntaryong pagsusuri. Maaari mo ring himukin ang iyong mga kaibigan na magpatingin sa naturang center.