Kontrolado ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar, partikular sa Visayas region, na hinagupit ng bagyong “Ruby,” ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Gregory Domingo.
Sinabi ni Domingo walang dapat na ipangamba ang publiko dahil nasa kontrol ng ahensiya ang halaga ng mga pangunahing bilihin dito.
Pinakiusapan din ng DTI ang mga manufacturer na tiyakin na sapat ang suplay ng kanilang produkto partikular sa sardinas, noodles, kandila at posporo.
Umapela ang opisyal sa mga manufacturer na makibahagi sa ikakasang DTI Diskwento Caravan sa mga naapektuhang lugar sa Visayas na agad aarangkada naman pagkatapos ng pahagupit ng baturang bagyo.
Ginarantiya pa ni Domingo na mas abot-kaya ang mabibiling processed foods,canned goods, noodles,bigas at iba pang bilihin.
Umapela din ito sa mga negosyante na huwag magsamantala at gamitin ang kalamidad sa pagtataas ng presyo ng kanilang paninda dahil papatawan ng malaking multa,o pagkakulong o maaring kanselasyon ng permit sa mga mahuhuling lalabag.