Pansamantalang ipinatigil ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon ng limang paliparan sa Calbayog City, Samar; Tacloban City, Leyte; Masbate; Legazpi City, Albay at Naga City sa Camarines Sur bunsod ng pananalasa ng bagyong “Ruby.”
Kinansela rin ang mga flight ng Philippine Airlines, Airphil Express, Cebu Pacific at Tiger Airways sa mga isinarang airport kasabay ng pagtiyak ng mga airline company na maaaring i-refund o magparebook ang mga plane ticket sa loob ng 30 araw.
Una nang ipinag utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatigil ng pagbiyahe ng mga roll on, roll off (RO-RO) bus sa Southern Luzon, Eastern Visayas at Mindanao upang mapangalagaan ang kaligtasan ang mga biyahero.
Base sa ipinalabas na cease and desist order ng LTFRB, hindi maaaring bumiyahe ang lahat ng RO-RO bus sa kanilang mga ruta kung saan nakataas ang Typhoon Signal No. 1 at sinuspinde ang operasyon mga daungan. (Kris Bayos)